Ni: Marivic Awitan

NAGPAMALAS ng “never say die spirit” ang pitong koponan mula North Luzon, Greater Manila Area at Visayas para makasikwat ng tiket sa National Finals ng 2017 Ginebra San Miguel 3-on-3 Basketball Tournament.

Nagsipagwagi sa kani-kanilang mga regional tournaments, ipinakita ng pitong koponan ang mga katangian ng pagiging “Ganado sa Buhay” para maging bahagi sa paghahanap ng Ginebra San Miguel ng pinakamahusay na 3x3 basketball team sa bansa.

Tinalo ng Team Slaughter na binubuo nina Reynald Ballesteros, Robert Caasi, Mario Torio, at Dennis Cuaresma, ang Team Taha sa Brgy. Caranglaan, Dagupan City upang magkampeon sa Pangasinan regionals.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ginapi ng Team Cruz nina Derick Villafuerte, Jomar Timple, Robert Sinnott, at Renzo Dalupang, ang Team Marcelo sa Brgy. Cabaruan, Cauayan City para pangunahan ang Isabela regionals.

Kumakatawan sa Team Ellis, iginupo naman nina Angel de Leon, Kenneth Gomez, Mark Reyes, at Renato Liangco ang Team Tenorio sa Pampanga Finals na ginanap sa Brgy. Bulaon, San Fernando.

Namayani naman sa Antipolo ang Team Jaworski na kinabibilangan nina Christopher Ryan Hosseimi, James Patrick Abugan, Jomar Santos, at Marvin Mercado, kontra Team Helterbrand sa Brgy. Sta. Cruz, Antipolo City.

Ang Team Mariano naman na binubuo nina Dion Reverente, Ivan Moreno, Mark David Orias, at Mark Santos, ang nagwagi sa Brgy. CAA, Las Piñas City kontra Team Ferrer.

Team Slaughter din ang nagkampeon sa Tondo na binubuo nina Eduard Tubera, Arbel Villanueva, Kleirence Perez, at Richmond Gana matapos manalo kontra Team Mariano sa Tondo Sports Complex.

Ang ikapitong koponan ay Team Thompson nina Matt Aaron Guzman, Johanis Marlu Sison, John Nino Melgar, at Leonel Tabornal, na nagwagi laban sa Team Cone sa Teodisio Sports & Cultural Complex sa Banga, Aklan.

Siyam pang regional tournaments ang nakatakdang idaos upang alamin kung sinu -sino pa ang kukumpleto sa 16 na koponang sasabak sa National Finals sa Agosto 19.

Ang huling apat na koponan na malalabi matapos ang knockout ang uusad sa semifinals at maglalaban - laban sa championship game sa Agosto 20, na lalaruin sa halftime ng laban ng Ginebra sa Araneta Coliseum.

Ang tatanghaling 2017 Ginebra San Miguel 3-on-3 National Champion ay mag-uuwi ng premyong P50,000 at tropeo at mga produkto ng Ginebra San Miguel.