Ni: Jel Santos

Dalawang hinihinalang magnanakaw, na lulan sa isang itim na van, ang napatay ng awtoridad sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Senior Supt. Chito Bersaluna, hepe ng Caloocan Police, ang biktima na si Merasol Mollero, 32, ng Barangay 178, Caloocan.

Samantala, kinikilala pa ang mga suspek.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Base sa imbestigasyon, nag-aabang ng masasakyang jeep si Mollero nang siya ay holdapin ng apat na armado sa kahabaan ng Camarin road sa Bgy. 178, dakong 3:30 ng madaling araw.

Agad ini-report ni Mollero ang insidente sa mga nagpapatrulyang pulis, sinabing ang mga holdaper ay sakay sa itim na van.

Sa follow-up operation, namataan ng awtoridad ang itim na van na tugma sa sasakyan ng mga holdaper. Sinubukan nila itong parahin ngunit humarurot.

Naiulat na pinaputukan ng mga suspek ang mga rumespondeng pulis na agad din namang gumanti.

Makalipas ang ilang minuto, dalawa sa mga suspek ang bumulagta habang nagawa namang makatakas ng dalawa pa.

Nakuha sa mga suspek ang itim na Mitsubishi Adventure (WOZ 817) kung saan narekober ang isang caliber .38 revolver, isang caliber .45 pistol, apat na pakete ng umano’y shabu at ang bag ng biktima na naglalaman ng pera at apat na cell phone.