Ni: Ric Valmonte

CONSTITUTIONAL at nakabatay sa mga nangyayari ang idineklarang martial law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao, ayon sa 11 mahistrado ng Korte Suprema. Ngunit ayon kay Associate Justice Marvic Lenen, unconstitutional at wala itong batayan. Para naman kina Chief Justice Maria Lourdes Sereno, Senior Associate Justice Antonio Carpio at Associate Justice Alfredo Caguioa, ang Marawi lamang ang dapat isinailalim dito.

Hindi biro ang pagdedesisyon ng 11 mahistrado ng Korte. Tayong mga mamamayan na nasa labas ng kaguluhan, base sa araw-araw na balitang ating tinatanggap mula sa media na karamihan ay ipinagkakaloob ng spokesman ng militar, tama si AJ Leonen na hindi kailangan ang martial law.

Kailangan ba ng martial law sa pagsalakay ng mga sundalo at pulis sa lungga ng mga kaaway? Kung totoo na matataas na kalibre ng armas ang ginagamit ng mga ito at nakatago sila sa mga bahay at gusali, kailangan pa ba ang martial law upang gumamit naman ng higit na malakas na armas ang mga sundalo at pulis at pasukin ang pinagtataguan ng mga kaaway?

Night Owl

Bakit Dapat Tumanggi ang Pilipinas sa Online na Pagboto

Aerial bombing at pagdakip sa mga pinaghihinalaang kaaway ay maaaring gawing paraan, na kasalukuyang ginagawa ng militar, nang hindi idinideklara ang martial law. Nangyari ang mga ito nang salakayin ni dating Pangulong Erap ang Abu Sayyaf at nang sagupain ni dating Pangulong Arroyo ang Moro National Liberation Front na kumukob sa Zamboanga.

Nanaig ang puwersa ng gobyerno sa parehong pangyayari sa kabila ng matinding bakbakan. Pero, sina dating Pangulong Erap at dating Pangulong Arroyo ay hindi nagdeklara ng martial law.

Ang naiuulat na matinding bakbakan ay nangyayari lang sa Marawi. Ipinakikita sa atin ang mga sira-sira at nagibang gusali at naglalakihang usok dahil sa walang patumanggang aerial bombing ng militar. May ilang nasugatan sa mga ligaw na bala. Kung sa Marawi lang ito nangyayari, bakit kailangan sakupin ng martial law ang buong Mindanao? “Hindi na kailangan,” sabi ng tatlong mahistrado, sa pangunguna ni CJ Sereno, “dahil mapayapa naman ang ibang lugar.” aniya.

Ang trabahong ginampanan ng Korte na repasuhin ang martial law ay ibinigay ng taumbayan sa mga mambabatas. Ang problema, ay sinang-ayunan agad nila ang deklarasyon ng Pangulo nang hindi man lang pinag-aralan. Napakatapang nilang inimbestigahan ang insidente sa Resorts World Manila. Sa kanilang pagtatanong sa mga resource person, pinalabas nila ang kapabayaan ng Resorts World Manila kaya nakapasok ang armado. Napakatapang nilang... magpakulong ng mga taong ayaw sumagot sa kanilang mga katanungan sa iniimbestigahan nilang umano’y maanomalyang paggamit ng excise tax sa tabako ng pamahalaang lokal ng Ilocos Norte.

Inisyuhan nila ng show cause order ang mga mahistrado ng Court of Appeals (CA), na nagpasiyang palayain ang kanilang ipinakulong, kung bakit hindi dapat mapanagot ng contempt sa paghihimasok sa kanilang hurisdiksiyon. Maging si CJ Sereno ay sasampahan umano nila ng impeachment complaint kapag siya ay napatunayang nag-utos sa mga mahistrado ng CA na suwayin ang kanilang show cause order.

Ang konsuwelo na lang ng mamamayan ay may mga mahistrado ngayon ang Korte na matapang na nanindigan, gaya nina Claudio Teehankee at Cecilia Muñoz-Palma noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, para sa katotohanan at katarungan.