CARACAS (Reuters) – Armado ng mga tubo, pinasok ng mga tagasuporta ng gobyerno ang kongreso ng Venezuela na kontrolado ng oposisyon nitong Miyerkules, at kinuyog ang mga mambabatas sa panibagong karahasan sa krisis politikal ng bansa.

Matapos ang pag-atake sa umaga, ilang oras na ikinulong ng may 100 katao na karamihan ay nakasuot ng pula at sumisigaw ng “Long Live The Revolution!” ang mga politiko, mamamahayag, ayon sa mga saksi. Nakalabas ang ilan sa kanila kinahapunan.

Nagtaas ng mga baril ang ilang tao sa labas ng kongreso, at nagbantang puputulin ang tubig at kuryente, at nagpatugtog ng audio ni dating socialist president Hugo Chavez na nagsasabing “Tremble, oligarchy!”

Nagtipon ang mga tao sa labas ng gusali ng National Assembly sa Caracas pagputok ng araw at umawit pabor kay President Nicolas Maduro.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nang tumaas na ang araw, ilan sa kanila ang biglang tumakbo papasok ng mga gate armado ng mga tubo, pamalo at bato para umatake.

Limang mambabatas ng oposisyon ang nasugatan, ang iba at duguan at tulirong tumakbo sa pasilyo ng gusali, ayon sa mga saksi. Ilang mamamahayag din ang ninakawan.

“There are bullets, there is blood, there are cars destroyed, including my personal one,” sinabi ni congress head Julio Borges sa mamamahayag mula sa loob.

Pinakamatinding nasugatan ang mambabatas na si Americo De Grazia, na tinamaan sa ulo at hinimatay, at kalaunan ay isinakay sa ambulansiya. Maayos na ang kanyang kalagayan, ayon sa kanyang pamilya.

Buong araw na narinig ang manaka-nakang pagsabog sa buong gusali ng kongreso habang inihahagis ang fireworks papasok sa compound. May 50 sundalo ng National Guard ang nagbantay sa mga gate para pigilan ang muling pagpasok ng mga tao.

Kinondena ng ilang banyagang bansa ang mga nangyari nitong Miyerkules.

“I condemn the grotesque attack on the Venezuelan assembly,” tweet ni UK ambassador John Saville.