Ni: Bert de Guzman
HABANG isinusulong ng Duterte administration ang “Build, build, build” infrastructure projects, tuluy-tuloy naman ang China sa bersiyon nitong “Build, build, build” sa West Philippine Sea-South China Sea (WPS-SCS). Nagtataka ang mga Pinoy kung bakit tameme lang si President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sa ginagawang ito ng dambuhalang nasyon ni Pres. Xi Jinping gayong agad-agad niyang binibira ang US dahil lang sa komento noon ni ex-US Pres. Barack Obama hinggil sa umano’y posibleng extrajudicial killings (EJKs) sa anti-drug war.
Gayundin naman ang maka-komunista o maka-kaliwang grupo na simbilis ng kidlat sa pagsugod sa US Embassy sa Roxas Blvd, galit na galit sa pagpoprotesta sa munting kibot ng US, gaya ng taunang PH-US Balikatan Exercises. Inaakusahan din nila ng pakikialam umano ang mga Kano sa Marawi City siege laban sa teroristang Maute-ISIS Group gayong ang ayuda ng US ay technical assistance lang.
Tanong nga ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Eh, bakit walang kibo si Pres. Digong sa patuloy na pagtatayo ng China ng bagong military facilities sa WPS-SCS, pero galit na galit sa US? Bakit ang militant groups ay hindi rin umaalma sa ginagawang ito ng China, pero kontrang-kontra sa tulong-teknikal ng mga Kano sa military para matukoy ang pinagtataguan ng mga terorista? Nasaan ang tulong ng kaibigan mong China at Russia?”
Maliwanag na kung hindi sa US, hindi malalaman ng mga Pinoy ang walang lubay na pagtatayo ng mga balangkas (structures) ng China sa Fiery Cross (Kagitingan), Mischief (Panganiban) at Subi (Zamora) reefs sa Spratly Islands.
Batay sa report ng US think tank, ang ganitong hakbangin ng China ay posibleng magpataas ng tensiyon sa pagitan ng Washington at ng Beijing bunsod ng ginagawang militarisasyon sa naturang lugar (vital waterway).
Ayon sa Asia Maritime Transparency Initiative (AMTI), isang bahagi ng Washington’s Center for Strategic and International Studies, ipinakikita ng new satellite images ang mga missile shelter at radar and communications facilities na itinatayo sa Kagitingan, Panganiban at Subi reefs.
Ilang araw na lang ay matatapos... na ang krisis sa Marawi City (ito ay habang isinusulat ko ito), ayon kay PRRD.
Samakatuwid, linis na ang siyudad sa mga terorista at patay o nakatakas na sina Abdullah Maute at ang Abu Sayyaf Group (ASG) leader at IS Emir Isnilon Hapilon.
Batay sa ulat ng militar, mahigit na sa 400 katao ang napatay sa sagupaan ng mga tropa ng gobyerno at ng mga terorista. Sinabi ni AFP spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, Jr. na pito pang sundalo ang napatay kung kaya naging 82 kawal na ang nasawi. Ang Maute Group ay nalagasan ng 303, samantalang naging 44 ang patay na sibilyan.
Sana ay matupad ang pahayag ni Pres. Rody (as of July 1) na tapos na ang krisis sa Marawi City sa susunod na ilang araw. Talagang napakailap ng “ibon ng kapayapaan” sa Mindanao. Kailan kaya makadadapo ang “ibon ng kapayapaan” sa noon ay tinaguriang “Lupa ng Pangako”?