Ni: Clemen Bautista

PINAGKALOOBAN ang Antipolo City Government, sa pamamagitan ni Antipolo Mayor Jun Ynares, ng 2016 MANILA BAYANI AWARD. Ang gawad ay mula sa Department of Interior and Local Government (DILG). Nakamit ito ng pamahalaang lungsod dahil sa walang tigil na pagpapatupad ng mga panukalang tumutugon sa problema sa basura, gayundin sa pagpapatayo ng mga angkop na pasilidad na gagamiting imbakan at tapunan ng basura. Kalakip ng 2016 Manila Bayani Award ang P1 milyon na tinanggap ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo bilang gantimpala.

“Isang malaking tagumpay para sa ating lungsod ang panalong ito. Katibayan po ito ng hindi matatawarang serbisyo ng ating mga kawani sa pamahalaang lokal gayundin sa aktibong partisipasyon ng mga mamamayan ng Antipolo sa mga programang ating inilunsad. Napakarami man ng pagsubok na ating hinarap, hindi po natin ito tinalikuran bagkus ito po ay ating hinarap nang buong tapang bilang isang komunuidad o pamayanan,” ayon kay Antipolo City Mayor Jun Ynares.

Noong Mayo 3, 2016, sinimulan ng National Economic Compliance Audit (NECA) team ang kanilang pagsusuri sa lungsod dahil ito ang naging kinatawan ng Region IV-A nang tanggapin nito ang Platinum Award mula sa Department of Interior and Local Government noong Abril 18, 2017. Katuwang ang City Environment and Waste Management Office (CEWMO), ang Pamahalaang Panlalawigan ng Rizal at ang Regional DILG, kinilala ng National DILG ang Antipolo bilang kampeon.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Pangalawa naman ang Marikina City at pangatlo ang Balanga, Bataan.

Ang Manila Bayani Award ay muling ibinigay ng DILG noong 2014 na ginawaran ang mga local government units (LGU’s) na malapit sa Manila Bay para sa kanilang mga proyektong nakatutulong sa pagsasaayos at pangangalaga sa Manila Bay, gayundin sa kanilang mga programang nagpapanatili, nangangalaga at nagtatanggol sa kalikasan.

Naging daan sa pagkapanalo ng Antipolo ang mahigpit na pagpapatupad ng mga Environmental City Ordinances katulad ng Basura Code o City Ordinance No. 2008-287. Kalakip ng ordinansa ang patakarang “No Segregation, No Collection Policy” at ang pagpapatayo ng mga Material Recovery Facilities (MRF) sa mga barangay at mga paaralan.

Nakatulong din ng pamahalaang lungsod ang Ynares Eco System (YES) program ng Rizal sa pangunguna ni Rizal Gov. Nini Ynares na nag-organisa ng iba’t ibang programa tulad ng Oplan BUSILAK (BUhayin; Sapa, Ilog, LAwa at Karagatan), pagtatanim ng mga puno at rehabilitasyon at mga clean-up drive sa mga barangay sa Antipolo.

Samantala, noong Hunyo 29, 2017, ipinagpatuloy ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) ang paggiba sa mga illegal fishpen sa Laguna de Bay. Sa pangunguna ni LLDA General Manager Jaime C. Medina, nagsimula sa Pritil, Binangonan, Rizal at nagtuloy sa bahagi ng lawa sa Taguig at Muntinlupa City. Ang paggiba sa mga illegal fishpen ay kaugnay ng boluntaryong pagbabawas ng sakop sa lawa ng mga bumubuo ng Federation of Fishpen and Fishcage Operator Association of Laguna de Bay Inc. Tinatayang aabot sa 40 fishpen, na sumakop sa 500 ektarya ng lawa, ang nabuwag at nabawasan ang sakop na lugar sa Laguna de Bay.