Ni: Genalyn Kabiling at Camcer Ordoñez Imam

Kapag natapos na ang bakbakan sa Marawi City, determinado si Pangulong Duterte na tuntunin ang pinagmumulan ng sangkatutak na armas na ginagamit ngayon ng Maute Group.

Hiniling ng Presidente ang imbestigasyon kung saan nagmula ang mga armas ng mga terorista makaraang mabatid na kabilang sa mga ito ang mga bala mula sa Department of National Defense (DND), na ginagamit ngayon ng Maute laban sa mismong mga sundalo ng bansa sa Marawi.

“It would be good that after this war, if it will end someday to start looking into saan itong mga baril pati ‘yung mga bala kasi may mga cartons doon marka pa ‘yung DND personnel, from DND ordnance,” sinabi ni Duterte sa harap ng mga pulis na nagtipon sa Camp Quintin Merecido sa Davao City nitong Huwebes ng gabi.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Before I left for Russia, I was already told that there was already amassing per intelligence report but hindi ko akalain na ganon karami ang bala. Saan nila nakuha?” dagdag niya.

Sinabi pa ng Pangulo na umaasa siyang matatapos na ang bakbakan sa Marawi “in a matter of days”. “We are winning the war, do not worry,” pagtitiyak pa niya.

Samantala, sinabi kahapon ng pulisya na posibleng para sa Maute ang nasa 8,000 rounds ng matataas na kalibre ng bala na nasabat sa Cagayan de Oro City kamakailan.

Nadiskubre sa walong karton ang 6,000 cartridges ng 5.56mm para sa M16 assault rifle at 2,000 bala ng .30 caliber.

Ang nasabing mga bala na nagmula sa Maynila ay nasamsam ng pulisya sa bodega ng isang cargo forwarding company sa Barangay Camaman-an sa Cagayan de Oro.