Ni: Celo Lagmay

KAHIT na ano ang sabihin ng sino man, ang pagdarasal ang itinuturing kong pinakamakapangyarihang lakas sa lahat ng larangan ng pakikipagsapalaran at pagpapakasakit. Ibig sabihin, ito ang nagiging sandigan natin kapag tayo ay nasusuong sa panganib, sa matinding karamdaman, sa pag-asam ng katuparan ng ating mga pangarap, sa paghahangad ng katahimikan sa buong kapuluan – lalo na sa Marawi City na hanggang ngayon ay nagiging eksena ng madugong digmaan ng Maute Group at ng ating mga sundalo at pulis.

Naniniwala ako na sa nabanggit na nakababahalang sitwasyon nakaangkla ang paglulunsad ng Pasa Lord Movement (PLM), isang kilusan na nanawagan sa sambayanan upang makiisa sa nationwide prayer na nakatakdang ganapin sa Hulyo 7.

Tinaguriang “prayer for unity,” ang nasabing okasyon ay nakalundo sa pag-asam ng kapayapaan sa mga lugar na pinamamayanan ng mga Muslim at Kristiyano. Nagkataon na ang PLM ay pinangungunahan ni G. Bing Pimentel, maybahay ni dating Senador Aquilino Pimentel, at siyempre, ina ni Senate President Coco Pimentel.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Sa pagbibigay-diin sa kahalagahan ng panalangin sa ating buhay, wala akong tutukuying alinmang sekta ng relihiyon.

Manapa, nais kong tiyakin na ang pagdarasal ay naging bahagi na ng pang-araw-araw na pamumuhay nating lahat, maliban na lamang marahil sa mga atheist o yaong hindi naniniwala na may Diyos. Maaaring sila ay may kakaibang sistema ng pag-usal ng dasal na nakaukol sa kinikilala nilang Panginoon.

Bilang pagtugon sa panawagan ng PLM, marapat lamang nating ipagdasal ang kaligtasan ng ating mga kawal, pulis at iba pang alagad ng batas sa kanilang pakikidigma sa mga bandidong terorista. Ipinaglalaban nila hindi lamang ang kanilang sarili kundi higit sa lahat ang katahimikan sa Mindanao; tinitiyak nila na ang usok ng giyera ay hindi na lumaganap sa iba’t ibang dako ng bansa.

Maaaring taliwas sa paninindigan ng ilan, subalit hindi ba marapat din nating ipagdasal ang mga bandidong Maute Group? Hindi ba dapat lamang silang magising sa katotohanan na ang pakikipagdigmaan ay nagbubunga ng kamatayan at pagkakasugat ng marami at ng pagkapinsala ng katakut-takot na mga ari-arian?

Ang magkabilang grupo ay kailangang pagtuunan natin ng taimtim na dalangin upang sila ay matauhan; na sila ay pare-parehong Pilipino; nagpapatayan ang mga magkababayan at ang dugong dumadanak ay dugong Pilipino.

Anupa’t ang isasagawang pambansang panalangin ay marapat lamang na maging mataimtim upang matamo ang ating mga adhikain. Walang imposible sa kapangyarihan ng dasal. Isinasaad sa isang kawikaan: Prayers can move mountains.