Ni Dennis Principe

HINDI lamang si Pacman ang dapat suportahan ng sambayanan dahil itataya rin ni Jerwin Ancajas ang dangal ng bayan sa Brisbane, Australia sa Hulyo 2.

Idedepensa ng 25-anyos southpaw na si Ancajas (26-1-1, 17 knockouts) ang IBF (International Boxing Federation) world superflyweight crown kontra Japanese contender Teiru Kinoshita sa undercard ng ‘Battle in Brisbane’.

ANCAJAS copy copy

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Nakalulungkot isipin na tila wala sa kamalayan ng sambayanan si Ancajas na matikas na nakipagbuno para maagaw ang IBF title kay McJoe Arroyo ng Puerto Rico.

Nagbalik gunita kay Amcajas ang masaklap na karanasan sa kanyang paghahanda laban kay Arroyo nang walang boxing gym na naglaan ng tulong sa kanyang kampo para sa kanilang training camp.

Sa kabutihang palad, isang bakanteng lote sa bulubunduking bahagi ng Tanay, Rizal na pagmamay-ari ni Marc Soong ng Jaguar Philippines ang libreng ipinagamit sa kanila para maging training venue.

“We had no time to look for another gym so we had to find ways how to maximize the place,” pagbabalik-gunita ni Joven Jimenez, trainer at manager ni Ancajas.

“We maintained our focus on our main objective. Getting a title shot was a chance of a lifetime so we had to give our all no matter what the situation was,” sambit ni Jimenez.

Gayunman, walang reklamong isinulong ni Ancajas ang pagsasanay.

At noong Setyembre 3, 2016 sa Jurado Hall ng Philippine Marine Corp sa Taguig City, nagawang madomina ng pambato ng Panabo City si Arroyo tungo sa 12-round unanimous decision at tanghaling bagong kampeon.

Tuluyang naihilera si Ancajas sa listahan ng mga matitikas na Pinoy world champion nang maidepensa ang titulo kontra Mexican Jose Alfredo Rodriguez via 8th round KO nitong Enero sa Macau.

Sa kanyang ikalawang title-defense, mas ispesyal ang laban dahil mapatutunayan niya ang katayuan sa mundo ng boxing sa pinakamalaking fight card sa kanyang career.

Magaganap ang laban ni Ancajas kay Kinoshita bago ang pagdepensa ni Pacquiao sa kanyang WBO welterweight title kontra Australian star Jeff Horn sa Linggo sa Suncorp Stadium sa Brisbane, Australia.