HINDI masaya ang magiging pagdiriwang ng Eid’l Fitr para sa mga komunidad ng Muslim sa Mindanao ngayong araw. Sa unang pagkakataon sa nakalipas na dalawang dekada, walang enggrandeng selebrasyon sa open field sa harap ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa Cotabato City.
Sa halip, sinabi ni ARMM Governor Mujiv Hataman, na magdaraos ang mga kawani ng regional government at kanilang mga kaanak, ng congregational prayer at mga rituwal sa loob ng bakuran ng Blue Mosque. Ang bakuran ng ARMM sa Cotabato City ang kinikilalang sentro ng pamahalaang Muslim sa bansa — ang “regional Malacañang of the South.”
Sinabi ni Governor Hataman na hindi ipakikipagsapalaran ng ARMM ang posibilidad na samantalahin ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), Abu Sayyaf, at Dawla Islamiya ang pagdiriwang ng Eid’l Fitr upang magsagawa ng pag-atake. Ang Dawla Islamiya ang tinatawag ng militar na Maute Group na sumalakay kamakailan sa Marawi City sa Lanao del Sur.
Sa mismong rehiyon ng Lanao, umapela ang mga Islamic cleric sa mga rebeldeng Islam at sa puwersa ng gobyerno na itigil ang bakbakan, kahit na isang araw lang, upang pahintulutan ang mapayapang selebrasyon ng Eid’l Fitr, ang isa sa dalawang pinakabanal na araw para sa mga mananampalatayang Muslim, ang isa ay ang Eid al-Adha.
Ipinagdiriwang ng mga Muslim sa mundo ang Eidl-Fitr o ang pagtatapos ng Ramadan, ang banal na buwan ng pag-aayuno. Kinikilala ito ng gobyerno ng Pilipinas bilang isang opisyal na national holiday alinsunod sa Republic Act 9177 at Presidential Proclamation 1083. Ang Pilipinas ang nag-iisang bansang may mayoryang Kristiyano na mayroong ganitong batas.
Ilang araw matapos magsimula ang bakbakan sa Marawi City noong nakaraang buwan, nagtipon sa Cagayan de Oro City ang mga ulama sa Lanao region upang umapela sa magkabilang panig, sa ngalan ng mahigit 200,000 residente ng Marawi na nagdurusa sa labanan. Nanawagan sila kay Pangulong Duterte – “We believe you have a heart for us and you are the hope in our dream to bring finally our community to greater heights,” sinabi ni Alim Amerodden Sarangani alang-alang sa 23 grupong Islam na dumalo sa kumperensiya sa Cagayan de Oro. Kasabay nito, umapela siya sa “our younger brethren” sa Dawla Islamiya — ang grupong Maute na sinasabing suportado ng pandaigdigang Islamic State — na bitiwan muna ang kani-kanilang baril at lumayo sa Marawi.
Kaisa tayo sa pag-asam na pakikinggan ng lahat ng panig ang mga apelang ito para sa kapayapaan ng Eid’l Fitr ngayon. Makapagkakaloob ang tigil-putukan ng oportunidad upang matuldukan na ang labanan na sumira sa napakaraming buhay, kasama ang maraming kabahayan at kinabukasan hindi lamang sa Marawi City kundi maging sa iba pang panig ng Mindanao.