LONDON (AP) — Idineklara ng British court na bangkarote ang dating German tennis superstar Boris Becker nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila) bunsod ng kabiguang mabayaran ang matagal nang utang.
Kaagad namang umapela ang counsel ng six-time Grand Slam champion sa Bankruptcy Court registrar ng London at nangako na mababayaran ni Becker ang utang sa Arbuthnot Latham & Co. mula noong 2015.
Ngunit, ayon sa registrar na si Christine Derrett, walang maipakitang katibayan ang kampo ni Becker na may kakayahan itong makapagbayad. Kagyat nitong ibinasura ang hiling na 28 araw na palugit at idineklara na bangkarote ang tennis icon.
"One has the impression of a man with his head in the sand," sambit ni Derrett na umaming pinanonood niya ang mga laro noon ni Becker sa Wimbledon.
Ang 49-anyos na si Becker ay dating coach ni Novak Djokovic at nagsisilbing TV commentator sa tennis tournament.
"I was surprised and disappointed,” pahayag ni Becker sa kanyang Twitter.
Ayon sa kanyang counsel na si Atty. John Briggs, nakatakda nilang ibenta ang bahay ni Becker sa Mallorca na nagkakahalaga ng 6 milyon euros (US$6.7 milyon). Aniya, makakaapekto sa imahe ni Becker ang naging desisyon ng korte.