Nina BELLA GAMOTEA at SAMUEL P. MEDENILLA

Kinumpirma kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na isang Pinay na nasa death row dahil sa kasong murder ang inabsuwelto ng korte sa United Arab Emirates (UAE).

Sa natanggap na ulat ng DFA mula sa Embahada ng Pilipinas sa Abu Dhabi, pinawalang-sala ng Court of Appeals sa Al Ain si Jennifer Dalquez nitong Hunyo 19, 2017.

Si Dalquez, 30-anyos, ay kinasuhan ng murder kaugnay sa pagkamatay ng kanyang employer na si Mr. Alaryani. Iginiit ni Dalquez na ipinagtanggol lamang niya ang sarili laban sa tangkang panggagahasa ng kanyang amo noong Disyembre 7, 2014.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Mayo 20, 2015 nang patawan ng parusang kamatayan ng Court of First Instance sa Al Ain si Dalquez. Umapela siya sa tulong ng DFA.

Idineklara ng Court of Appeals na “innocent without diyyah or payment of blood money” si Dalquez. Gayunman, sinentensiyahan siya ng limang taong pagkakakulong dahil naman sa pagnanakaw ng cellphone.

Kasunod ng pagpapawalang-sala ng korte kay Dalquez, nanawagan nitong Lunes ang Migrante International sa gobyerno na paigtingin pa ang apela para sa clemency ng iba pang overseas Filipino workers (OFW), na nasa death row. Pinuri rin ng Migrante ang pagsisikap ng gobyerno na maisalba ang buhay ni Dalquez.

“We would like to call on President (Rodrigo) Duterte and DFA to push for the clemency of other OFWs, who are facing a death sentence,” sinabi ni Migrante International spokesperson Arman Hernando sa panayam sa telepono.

Batay sa datos ng Migrante, 69 pang OFW ang nasa death row sa iba’t ibang bansa.