Ni: Clemen Bautista
NAKATAKDANG pagkalooban ng pagkilala ng Rizaleño Awards Committee ang napiling Ten (10) Most Outstanding Rizaleños sa GAWAD RIZAL 2017, bukas, ika-21 ng Hunyo.
Ayon kay dating Rizal provincial administrator Ver Esguerra, chairman at publisher ng Rizaleño Magazine, ang parangal sa sampung natatanging Rizalenyo ay gagawin sa Event Center ng SM Masinag, Antipolo City, Rizal. Magsisimula sa ganap na 4:30 ng hapon, tampok na mga panauhing tagapagsalita sina dating Supreme Court Chief Justice Reynato Puno, na ngayon ay Supreme Commander ng Knights of Rizal; at Antipolo City Mayor Jun Ynares.
Ang Gawad Rizal 2017 ay bahagi ng paggunita sa ika-156 na taong kaarawan ni Dr. Jose Rizal. Ang Gawad Rizal 2017 ay may kaugnayan din sa ikapitong anibersaryo ng Rizalenyo Sulo Magazine at sa ikaanim na anibersaryo ng Gawad Rizal, isang prestihiyosong parangal na ipinagkakaloob sa bawat Rizalenyo na nagtagumpay sa kanilang propesyon, nagpakita ng halimbawa sa ‘di pangkaraniwang mga nagawa, namumukod na liderato, mahusay na sibikong mga pananagutan at matapat na pagkatao. Nagbigay ng karangalan hindi lamang sa kanyang bayan at sa Rizal kundi maging sa ating bansa.
Ang sampung natatanging Rizalenyo na pararangalan ay sina Dr. Remedios Aquino, sa Education Management; Francisco Gonzaga, sa Corporate Management; Andre Vocalan, sa Food Entrepreneur; Rex Cortez, sa Film Cinema; Lemuel Magracia, sa Business; Randy Donato, sa Farming; Dr. Teodoro Cruz, sa Medicine; Sergio Ortiz, sa Export Business; Francisco Ben Reyes, sa Golf Sports; at Judge Armando Velasco, sa Judiciary.
Ang pagkakaloob ng Gawad Rizal ng Rizaleño Awards Committee sa mga natatanging Rizalenyo ay nagsimula noong Hunyo 20, 2012 bilang bahagi ng pagdiriwang ng kaarawan ni Dr. Jose Rizal. Ang chairman ng Rizaleño Awards Committee ay si Prof Ver Esguerra, publisher at chief editor ng Sulo Rizaleño Magazine. Sa kanyang paliwanag, sinabi ni Esguerra na ang mga napiling natatanging Rizalenyo ay maituturing na moog, haligi, sandalan at buhay na bayani ng lalawigan ng Rizal na kumikilala at tumutulong sa komunidad, nagbibigay ng sigla at mga natatanging halimbawa ngayon at sa mga bukas pang darating.
Ang parangal sa sampung natatanging Rizalenyo ay idinaos sa Event Center ng SM City sa Taytay, Rizal noong Hunyo 20, 2012. Ang unang... panauhing tagapagsalita ng Gawad Rizal 2012 ay si Sir Rogelio Quiambao na limang beses na naging Supreme Commander ng Knights of Rizal. Hindi pa nalilimot ng inyong lingkod ang sinabi niya tungkol kay Dr. Jose Rizal. Napapanahon ang mga kaisipan ni Rizal, lalo na ang pagpapahalaga sa edukasyon.
Ang 10 Natatanging Rizalenyo na pinagkalooban ng Gawad Rizal 2012 ay nagmula sa iba’t ibang sektor at larangan na namukod at nagtagumpay ang mga awardees tulad ng sa Sports & Youth, Agriculture & Farming, sa Kultura, sa Literature o Panitikan, sa Community Service, sa Arts & Entertainment , sa Education , sa Bausiness Management, sa Farming at sa Print and Broadcast na ipinagkaloob sa inyong lingkod.