Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS

Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang krisis sa Marawi City ay hindi bunga ng kapalpakan sa intelligence at inamin na naging malamya ang gobyerno sa pagtrato sa mga rebelde sa paghahangad ng pangmatagalang kapayapaan, partikular sa Mindanao.

Sa kanyang pagbisita sa tropa ng militar sa Barangay Bancasi sa Butuan City nitong Sabado ng hapon, sinabi ni Duterte na nagawang mag-imbak ng Maute Group ng mga armas at bala bago sinalakay ang Marawi City sa Lanao del Sur nitong Mayo 23.

“It was not a question in a failure in the part of the government. We have adapted a very soft policy towards rebels,” sabi ni Duterte.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“This came about because nagdadala sila ng baril, eh. And since we are thinking of getting peace with the MNLF and MI[LF], ang laro ng armas diyan, we took it for granted,” sabi ni Duterte, tinukoy ang mga pangunahing grupong Muslim ng Moro National Liberation Front at Moro Islamic Liberation Front.

“Pero alam natin na mabibigat [na armas] pero we really took it for granted because we never knew at the time kung sino talaga ang kalaban,” paliwanag ng Pangulo.

ENDLESS SUPPLY NG MAUTE

Sinabi rin ni Duterte na pasekretong nagpupuslit ng mga armas ang Maute sa Marawi City.

“Itong Maute were bringing the firearms surreptitiously at hindi natin nakuha na gaano na karami ang amo, pati baril sa loob,” ani Duterte.

Iginiit din ng Presidente na ang pagkubkob sa Marawi ay hindi dulot ng kabiguan ng intelligence dahil sakaling may nakakita sa mga miyembro ng Maute na may bitbit ng baril at nagpanggap ang mga ito na kasapi ng MILF o MNLF, ang utos niya ay subukang kausapin ang armado o ipasuko ang baril nito.

“But all the while, itong (the) Maute, with the connivance of politicians there, were stockpiling [ng mga baril at bala],” sabi ni Duterte. “Kaya hindi maubos ang mga bala at napakarami. Magputok ng isa ang gobyerno, ang ibabalik sa atin lima. So, parang [may] endless supply [ng armas at bala] when Maute rose to fight the government.”

'DI MAGSO-SORRY

Sinabi rin ng Pangulo na hindi siya magso-sorry sa nangyayaring krisis sa Marawi dahil mismong mga residente naman ang nagpalaki ng problema sa hindi pagsusumbong ng mga ito sa mga pagkilos ng Maute.

Ito ay makaraang ilang leader ng Maranao sa Marawi at Lanao del Sur ang humingi ng permiso kay Duterte upang makipagnegosasyon sa Maute na tigilan na ang labanan, palayain ang mga bihag, at lisanin ang Marawi.

“You do not need my permission to do that. Ang problema kasi nito, little did they realize that they are dealing with ISIS already,” anang Presidente. “I am not apologizing for anything there because they brought the problem to themselves. Bakit hindi nila sinabi sa pulis, sa akin, sa Armed Forces na may mga foreign trade na pabalik-balik ‘yan?”

Binigyang-diin din ng Pangulo na hinding-hindi siya makikipagnegosasyon sa mga terorista.

“If they go to the Maute to talk about what? Surrender? O, ano lang, areglo? Ganon na lang?” sabi ng Pangulo. “Paano ‘yung patay ko (mga sundalo at pulis na nasawi)? How about the murderous rampage of… ‘yung (mga sibilyang) natamaan ng mga sniper nila?”