Ni: Clemen Bautista
ANG pagdiriwang ngayon ng Father’s Day ay isang malaki at tanyag na selebrasyon sapagkat ipinagdiriwang din ito para sa mga lolo, biyenang lalaki, stepfather, amain o tiyuhin at iba pang lalaking kumakalinga at nagbibigay proteksiyon na tulad ng isang ama. Ang diwa ng pagdiriwang ay ang pagpapahayag ng pagmamahal sa mga ama.
Kung ang mga ina ay nakadambana sa damdamin ng sangkatauhan dahil sa natatangi nilang tungkulin sa lipunan—ang ilaw ng tahanan ng buong mundo—nararapat din na parangalan ang mga ama na nagsisilbing haligi ng tahanang inaaruga ng mga ina. Kapwa sila may mahalagang tungkuling ginagampanan sa pag-aalaga at pagpapanatili sa katatagan ng pamilya.
Isinasakatuparan ng mga ama ang kapakanan ng kanilang mga anak, pinoprotektahan ang mga ito, sinusuportahan, minamahal, dinidisiplina, inaakit sa isang buhay na may mga sandali ng pagsubok, iminumulat sa kabutihan at sa pagkakaroon ng loob at takot sa Diyos.
Ang tungkulin ng isang ama upang itaguyod ang isang pamilya ay nangangailangan ng higit na sakripisyo at tapang sa ngayon. Ang balansehin ang trabaho at ang buong pamilya ay napakahirap. Ang trabaho kung minsan ay naghihiwalay sa mga ama sa kanilang pamilya sa loob ng maraming panahon.
May mga ama na kumakayod sa ibang bansa. Nagsasakripisyo na malayo sa kanyang pamilya at tinitiis ang pangungulila; ang kalungkutan at ang homesickness magkaroon lamang ng magandang kinabukasan ang kanyang mga anak.
Sa makabagong panahon, karaniwan na lamang ngayon na makakita tayo ng mga ama na naiiwan sa bahay. Ginagawa ang tungkulin na dati ay ginagampanan lamang ng ina. Namamalengke, nagluluto, naghahatid at sumusundo sa mga anak sa paaralan. At kung solo parent na, ang ama ay nagsisilbing “Natay” o Nanay at Tatay sa kanyang mga anak.
Sa kasaysayan, maraming naging uliran at dakilang ama ng bayan. Mababanggit na halimbawa si Pangulong Manuel L. Quezon na kinikilalang Ama ng Wikang Pambana at Katarungang Panlipunan. Si Andres Bonifacio na Ama ng Katipunan. May Dakilang Diyos Ama na naghandog ng Kanyang Bugtong na Anak. Nagkatawang-tao, nagpakasakit at ipinako sa krus. Namatay at muling nabuhay at tumubos sa sangkatauhan.
Sa Pilipinas, marami tayong naging Ama sa Kongreso. Nagningning ang mga pangalan dahil sa talino, pagiging makabayan at pagbuo ng mahuhusay na batas para sa kabutihan ng ating bansa at ng mga mamamayan. Hindi na malilimot sina Senador Ninoy Aquino, Francisco Soc Rodrigo, Jose W. Diokno, Raul Manglapus, Jovito Salonga, Arturo Tolentino, Lorenzo Tañada, Lorenzo Sumulong at marami pang iba na lantay ang nasyonalismo o pagkamakabayan.
Ang pagdiriwang ng Father’s Day ay maituturing na walang kupas na pagmamahal ng mga anak sa kani-kanilang ama. Ang mga ama ang masasabi nating “unheralded heroes”. Sa isang kasabihan sa Ingles, sinasabing, “one father is more than a hundred school masters”. Ang Father’s Day ay inilalaan sa lubusang pagkilala sa mga ama bilang katuwang na haligi ng mga ina sa pagtataguyod ng pamilya.