Ni: Vanne Elaine P. Terrazola at Jun Fabon
Patay ang isang matandang babae makaraang lamunin ng apoy ang kanyang bahay sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Bangkay na nang matagpuan ng mga bumbero si Juanita Falgui, 89, matapos apulahin ang apoy sa residential area sa Scout Fuentebella Street, Barangay Laging Handa, dakong 4:01 ng madaling araw.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP)-QC, nagsimula ang apoy bandang 2:57 ng madaling araw sa kaliwang bahagi ng bahay ni Falgui. Umabot sa ikalawang alarma ang sunog at mabilis na kumalat sa mga katabing bahay.
Ayon kay Fire Inspector Rosendo Cabillan, hepe ng BFP-QC investigation unit, natagpuan ang biktima sa kanyang kuwarto malapit sa dirty kitchen kung saan mayroong labasan.
Naniniwala ang awtoridad na nahirapang makalabas ang matanda mula sa nagbabaga niyang bahay.
Mag-isa lamang sa bahay ang biktima nang mangyari ang insidente. Isang sunog na bahay ang dinatnan ng kanyang anak kinaumagahan.
Samantala, bandang 9:30 ng umaga kahapon nasunog ang ikalawang palapag ng Windland Tower, na matatagpuan sa No. 45 Tomas Morato, Bgy. Kristong Hari, Quezon City.
Sa imbestigasyon ni FO3 Mark Trajeras, electrical faulty wiring ang sanhi ng sunog.
Walang naiulat na nasaktan sa insidente.
Patuloy na inaalam ang sanhi ng magkasunod na pangyayari.