ISA si Kim Domingo sa mga naimbitahang maging special guest ng Viral Fest Asia 2017 na ginanap nitong Hunyo 2 at 3 sa Bangkok, Thailand. Tampok sa music festival ang ilan sa mga maimpluwensiyang personalidad sa buong Asya at layunin nito na lalo pa silang ipakilala sa buong mundo.
Kasama ang ilan sa sikat na mga personalidad ng showbiz at maging sa social media, napa-wow ang mga tao kay Kim nang sumali ang dalaga sa isang diskurso tungkol sa kahalagahan ng new technology sa iba’t ibang negosyo.
Sa forum na pinamagatang Selling to Millennials: Influencer Marketing and Commerce, ibinahagi ng GMA Artist Center star at Pantasya ng Bayan ang tungkol sa kahalagahan ng social media sa pakikisalamuha sa kanyang fans. Tinalakay din niya ang iba’t ibang oportunidad na nakukuha niya mula sa advertisers dahil sa kanyang social media presence.
Pagkatapos ng forum, nakisaya si Kim habang pinapanood ang iba’t ibang performers gaya ng Korean superstar na si Rain at Japanese Pop girl group na AKB48.
Nagpahayag din si Kim ng pasasalamat sa pagkakataong ibinigay sa kanya na makasama sa nasabing festival.
“Nakakatuwang makita na magkakasama ang iba’t ibang Asian artists na nag-eenjoy at nagpe-perform. Sa akin naman, thankful ako kasi naimbitahan akong maging part nito at nakakilala pa ako ng new friends,” sabi ng dalaga.
Naging matagumpay ang layunin ng festival kay Kim dahil lalo pang dumami ang kanyang followers simula nang mai-upload ang litrato niya kasama ang beteranong Indonesian multimedia star na si Raditya Dika sa Instagram account ng huli.
Napansin ng Indonesians ang ganda ni Kim sa litrato na nakalikom na ng halos 300,000 likes.
Tila, hindi lang sa Pilipinas patok ang ganda at kaseksihan ni Kim. Maaari na rin siyang tawaging Pantasya ng Asya ngayon.