SASABAK ang limang atleta ng Philippine Sports Association for Differently Abled (PHILSPADA) sa World Para Athletics Championships sa Hulyo 14-23 sa London.
Ipinahayag ni PHILSPADA official Dennis Esta na handa na ang mga kinakailangang dokumento para sa paglarga ng Team Philippines na binubuo nina Marites Burce, Ruth Opena, Jerrold Pete Mangliwan, Andy Avellana at Dino Arman. Pawang nakakuha ng sapat na puntos ang lima para magkwalipika sa torneo.
Nakopo ni Burce, isang wheelchair-bound athlete, ang gintong medalya sa women’s discus throw at bronze sa javelin throw sa F54 category ng Handisport Paris Open nitong Mayo.
Nagwagi naman si Avellana ng silver sa men’s high jump (F42), habang nakamit ni Jerrold Pete Mangliwan ang bronze sa 200-meters (T52) sa naturang ding kompetisyon sa makasaysayang Stade Charléty Stadium sa French capital.
Ang Handisport Paris Open ay isa sa siyam na qualifying tournament para sa World Para Athletics Championships. (PNA)