Isang sundalo ang napatay sa engkuwentro sa mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa bayan ng La Paz, Agusan del Sur kahapon.
Inireport ng La Paz Municipal Police Station na nagsagupa ang mga tropa mula sa 26th Infantry Battalion at ang mga rebelde sa Barangay Comota, La Paz, at ito ay tumagal ng 10 minuto.
Kinumpirma ang nasabing engkuwentro ni Ka Omar Ibarra, tagapagsalita ng Guerilla Front Committee 88 ng NPA.
Sinabi ng militar na hindi muna nito ilalabas ang pangalan ng nasawing sundalo hanggat hindi pa naaabisuhan ang kanilang mga kamag-anak.
Siniguro naman ng militar na may tinamaan sa mga NPA dahil sa bahid ng dugo sa encounter site.
Patuloy ang clearing operations ng mga sundalo at nakarekober sila ng improvised explosive devices (IEDs) at mga kawad. (Fer Taboy)