1st Lt. Savellano copy

Kinumpirma kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagkasawi ng 13 tauhan ng Philippine Marines matapos ang matinding bakbakan nang lusubin ng militar ang posisyon ng Maute Group sa Marawi City, nitong Biyernes ng hapon.

Kabilang sa mga napatay na Marines si 1st Lt. John Frederick S. Savellano, ang company commander na nanguna sa operasyon na nauwi sa pagkumpiska ng nasa P79 milyon cash at tseke ng mga terorista nitong Lunes.

“He (Savellano) was the company commander that led the recovery of cash and checks in one of the houses there,” sabi ni Lt. Col. Jo-Ar Hererra, tagapagsalita ng 1st Infantry Division ng Philippine Army at Joint Task Force Marawi.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

ANG PINAKAMAGITING

“This guy is a very courageous, a committed junior military officer with no question on his integrity. We saw his actions when he and his men took down the machine gunner and snipers of the enemy during the conduct of clearing operations. Unfortunately, he was killed in the gun-battle with the terrorist group. Kasama siya sa killed in action,” dagdag ni Herrera.

Ayon kay Hererra, nasawi si Savellano at 12 pang Marines kasunod ng matinding engkuwentro sa Maute sa Barangay Lilot Madaya sa Marawi.

Sinabi ng isang kaanak ni Savellano na batay sa mga text message na ipinadala ng “mistah” nito, nasapol ang grupo ni Savellano ng RPG (rocket propelled grenade) launcher ng mga kaaway.

Inihayag naman ni Marine Colonel Edgard Arevalo, hepe ng Public Affairs Office ng AFP, na nilusob ng grupo ni Savellano ang posisyon ng Maute na nauwi sa matinding bakbakan.

“Initial reports indicate that the fierce fire fight ensued when the Marines assaulted the reported enemy position at around 3:30 a.m. and fire fight continued up to around 5:00 p.m. of the same day,” ani Arevalo.

Ayon pa kay Arevalo, maraming nasawi sa panig ng Maute kapalit ng pagbubuwis ng buhay ng 13 sa Marines, bukod pa sa 40 kasamahan ng mga ito na nasugatan sa malapitang bakbakan.

IKAKASAL NGAYONG TAON

Isang registered nurse ang 29-anyos na si Savellano bago pumasok sa Philippine Marines ilang taon na ang nakalilipas sa pamamagitan ng Naval Officer Candidate Course (NOCC), at nagsanay sa Zambales.

Nagtapos ng United States Marine Officer Basic Course, si Savellano ang company commander ng 37th Marine Company, Marine Battalion Landing Team (MBLT) 7, at mula sa NOCC Class 21.

Labis naman ang pagkagulat ng mga kaanak, kaibigan at kapwa sundalo ni Savellano sa kanyang pagkasawi, lalo na dahil nakatakda na siyang ikasal sa kanyang nobya—isa ring tauhan ng MBLT 2—sa huling bahagi ng taong ito.

(FRANCIS T. WAKEFIELD)