SA unang pahina ng pahayagang Manila Bulletin nitong Miyerkules, napagigitnaan ng mga balita tungkol sa bakbakan sa Marawi City, sa pagdakip sa ama ng magkapatid na teroristang Maute sa Davao City, at sa bagong banta sa mga overseas Filipino worker (OFW) sa Qatar, nalathala ang larawan ng isang tricycle na nag-uumapaw sa pasahero sa Tondo, Manila, sakay sa tricycle ang maliliit na mag-aaral na ang ilan ay nangakasabit sa likuran ng sasakyan, nakakapit lang sa bubungan ng sidecar.
May umiiral na ngayong batas — ang Children’s Safety on Motorcycles Act, RA 10666 — na naging epektibo nitong Mayo 19. Ang mga wala pang 18 anyos ay hindi maaaring umangkas sa mga sasakyang may dalawang gulong na pumapasada sa pampublikong kalsada na dinadaanan ng malalaki at mabibilis na sasakyan. Tanging mga bata na may sapat na tangkad upang umabot ang mga paa sa foot pegs, may suot na helmet, at kaya nang kumapit nang mahigpit sa beywang ng driver ang maaaring sumakay sa motorsiklo.
Hindi aktuwal na tinutumbok ng bagong batas ang mga batang mag-aaral sa Tondo na nangakasabit sa likuran ng tricycle nitong Martes, subalit malinaw na sangkot dito ang pangunahing ideya ng “Children’s Safety”. Ang mga mag-aaral na iyon nitong Martes, posibleng nasa elementarya pa lamang, ay walang suot na helmet. Hindi sila nakaupo nang maayos at wala ring maayos o matatag na makakapitan. At pumapasada ang tricycle sa isang abalang kalsada kasabay ng mabibilis na sasakyan.
Para sa sarili nilang kaligtasan, dapat na pagbawalan ang mga bata na sumakay sa nabanggit na paraan. Maaaring matagalan o posibleng may kalayuan pa ang uuwian, ngunit mas ligtas ang maglakad na lamang. Dapat na sawayin ng mga traffic enforcer ng gobyerno ang mga tricycle na pumapayag na nangakasabit lang sa likuran ang mga batang mag-aaral.
Sa kabuuan, naging maayos ang pagbabalik-eskuwela nitong Lunes. Sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na nananatili pa rin ang kakapusan sa mga silid-aralan sa ilang bahagi ng bansa, kabilang ang National Capitol Region, kung saan nagpapatupad ng “creative strategies” ang mga guro upang mapunan ang kakulangan sa 18,000 silid-aralan.
Maliban sa Marawi City na ipinagpaliban ang pagbubukas ng klase, naging maginhawa ang pagbabalik-eskuwela ngayong taon. May kapayapaan at kaayusan sa mga school campus at hindi naman lumalala ang trapiko sa Metro Manila. Ginawa ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno ang kani-kanilang tungkulin upang tiyaking magiging ligtas ang pagsisimula ng balik-eskuwela para sa Academic Year 2017-2018.
Bago kung ano pa ang maging kahinatnan ng nabanggit na litrato ng mga bata, dapat na gumawa ng paraan ang mga kinauukulang opisyal tungkol sa mga mag-aaral sa Tondo na walang pakundangang nangakasabit sa likuran ng punumpunong tricycle, na nakikipagsabayan sa humaharurot na kotse, jeepney, at truck—bago pa man may sakunang mangyari.