Mga Laro Ngayon
(Ynares Sports Arena)
12 n.h. -- Flying V vs Wang’s
2 n.h. -- Cignal HD vs AMA
NAGBAKOD ng matinding depensa sa final stretch ang Marinerong Pilipino upang ungusan ang Cignal HD, 66-65, para masungkit ang unang panalo kahapon sa 2017 PBA D League Foundation Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Nagtala ng season high pitong blocks si John Ray Albanza, kabilang dito ang huling supalpal niya kay Jason Perkins sa dapat sana’y game winner sa natitirang 1.9 segundo ng laro.
Nasayang ang huling pagkakataon na dapat makapagsasalba sa Hawkeyes na kanilang nakuha makaraang maagaw ni Harold Arboleda ang bola mula sa inbound ni Dave Moralde may 7.4 segundo ang nalalabi.
“Player ko na ‘yan si Alabanza sa San Beda and I knew his capability kaya ko siya kinuha.Nawala ako sa San Beda, lumipat naman siya ng school, at least dito nagkasama ulit kami, “ pahayag ni coach Koy Banal ng Skippers.
Nauna rito, naiiwan pa ng 11 puntos sa halftime ang Skippers, 32-43 bago nila naagaw ang kalamangan sa huling dalawang minuto ng third quarter, 56-53.
Nagtabla pa sa huling pagkakataon ang laro sa 62-all, kasunod ng split free throw ni Oping Sumalinog bago ito binasag ni Mark Isip ng isang medium range jumper, 64-62, mahigit dalawang minuto pa ang nalalabi.
Huling dumikit ang Cignal matapos ang dalawang freethrows ni Reymar Jose, 65-66.
Tumapos na topscorer si Isip na may 15 puntos kasunod si Achie Iñigo na may 13 puntos habang namuno naman sa Cignal na bumaba sa patas na markang 2-2, si Perkins na kumubra ng 15 puntos.
Nauna rito, ipinoste ng Racal Motors ang ikalawang sunod na panalo nang ilampaso ang baguhang Zarks Burger, 140-90.
Dahil sa panalo, naitala ng Alibaba ang bagong record na highest winning score na lumagpas sa dating record nang talunin ng Tanduay ang Mindanao Aguilas na hawak din noon ng kasalukuyang Zarks coach na si Marvin Padrigao noong Hulyo 17 ng nakalipas na taon sa iskor na 133-78.
Pinangunahan ni Mark Tallo ang nasabing panalo matapos umiskor ng 26 puntos, limang assist at dalawang rebound habang humanay naman bilang ikatlong manlalaro na nagtala ng triple-double sa liga si Kent Salado na may 11 puntos, 13 assist at 11 rebound.
Bunga ng kabiguan, bumagsak ang Jawbreakers sa ilalim ng standings na may barahang 0-3.
Iskor:
Racal (140) — Tallo 26, Capacio 23, Cabrera 17, Ayonayon 13, Abrigo 11, Mangahas 11. Salado 11, Lozada 8, Apreku 7, Grimaldo 6, Faundo 4, Cortez 2, Bulawan 1, Dela Cruz 0.
Zark’s Burger (90) — Celiz 28, Bautista 17, De Leon 13, Nalos 10, Juruena 6, Mangahas 6, Cudal 4, Cayabyab 3, Sheriff 2, Ferrer 1, Argamino 0.
Quarterscores: 38-20; 66-43; 104-66; 140-90. (Marivic Awitan)