MAY pabuyang alok na P20 milyon si President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) para sa ikadarakip (hindi ikatitimbog o ikasasakote) nina Isnilon Hapilon at ng magkapatid na Maute, sina Omar at Abdullah. Si Hapilon ang lider ng tulisang Abu Sayyaf Group (ASG) na itinuturing ngayong “emir” ng ISIS sa Mindanao.

May report na nagtungo si Hapilon sa Marawi City para magtatag ng isang “wilayat” o probinsiya ng IS. Nakipag-alyansa siya sa international Islamic State (IS) Group, at ngayon ay kaalyado ng bandidong Maute Group. Tig-P5 milyon naman ang patong sa ulo nina Omar at Abdullah para madakip, patay o buhay.

Si Hapilon ay sinasabing nasugatan sa nakaraang engkuwentro sa mga tropa ng gobyerno. Nagtungo sa Marawi City para rin magpagamot. Nalaman ito ng gobyerno kaya sinilbihan siya ng arrest warrant, pero nakatunog at humingi ng tulong sa Maute group. Nasa siyudad pa siya hanggang ngayon at kinukupkop ng grupo nina Omar at Abdullah.

Ang P10 milyon pabuya ay bukod pa sa unang P7.4 milyong alok ng gobyerno para siya mahuli. Dahil dito, ang halaga ng ulo ni Hapilon ay P17.4 milyon. Ang US government ay may alok ding $5 million sa neutralization ng kilabot na lider ng ASG-Maute-IS. Anyway, sabi ni PDu30, matatapos na raw ang Marawi siege sa loob ng 3 araw. Magkatotoo sana ito.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

(Tapos na sana ito habang sinusulat ko ang kolum na ito).

Si US Pres. Donald Trump ay may “Covfefe”. Si Mano Digong ay may “I will kill you.” Ngayon, may idinagdag sa bokabularyo si Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio, ito ay ang “Finlandization.” Nagbabala si Carpio sa pagyuko o pagsuko ng Pilipinas sa China. Maaari raw magwakas ito sa basta na lang pagsunod ng ating bansa sa foreign policies ng dambuhalang China.

Ayon sa kanya, baka masumpungan na lang ng ‘Pinas ang kanyang “Finlandization” kapag hindi ito nanindigan sa soberanya at tumayo sa China kaugnay ng territorial dispute sa West Philippine-South China Sea. Ipinaliwanag ni Carpio na ang termino (Finlandization) ay nangyari noong Cold War nang gawing neutral country ng Russia ang Finland na sinakop nito. Para manatiling sovereign at independent ang Finland, dapat itong maging neutral at sundin ang foreign policy ng Russia.

Badya ni Carpio: “Unless we do something, we will be like Finland, a nominally independent country. We will have our own political system but when it comes to foreign affairs, we follow the foreign policies of China.” Aba, akala ng mga Pinoy, ang isinusulong ni Pres. Rody ay “independent foreign policy” kaya humihiwalay sa US at bumabaling sa ibang mga bansa, tulad ng Russia at China. Kung totoo ang analysis ni Justice Carpio, hindi ito isang independent foreign policy kundi sunud-sunurang polisiya sa China dahil hindi natin sila kayang kalabanin!

Pitong may “mga bayag na hindi urong” na kasapi ng Kamara ang nagpetisyon sa Korte Suprema na pawalang-saysay ang deklarasyon ng martial law ni PRRD sa Mindanao. Wala raw sapat at legal na batayan ang deklarasyon ng Pangulo. Nanguna si Albay Rep. Edcel Lagman sa pagtungo sa SC matapos silang mabigo sa panawagang mag-convene sa isang joint session ang Kongreso para repasuhin ang imposisyon ng martial law at pagsuspinde sa privilege of the rights of the writ of habeas corpus.

Naniniwala ang “Magnificent Seven” na ang proklamasyon ng martial law ay walang “sufficient factual basis” dahil lamang sa pag-atake ng Maute Group sa Marawi City. Ayon sa kanila, puwede lang ang martial law kung may invasion or rebellion. Ang pagsalakay raw ng Maute ay hindi maituturing na invasion o rebelyon.

Kabilang sa “may bayag “ na mga kongresista bukod kay Lagman, ay sina Ifugao Rep. Teddy Baguilat, Northern Samar Rep. Raul Daza, Akbayan Rep. Tom Villarin, Magdalo Rep. Gary Alejano, Capiz Rep. Emmanuel Billiones, at Caloocan City Rep. Edgar Erice. Tanong nga ni ex-Sen. Rene Saguisag na kumontra noon sa martial law ni ex-Pres. Marcos: “Nasaan ang invasion/rebellion? Sino ang invader/rebelde.”

Nasaan ang “may bayag na mga senador”? Takot ba sa “I will kill you?” Ang batid ng lahat, ang Maute Group ay tulisang grupo na naghahasik ng lagim at kamatayan sa Mindanao, kasama ang Abu Sayyaf, na pera-pera lang ang hangarin sa pangho-hostage! (Bert de Guzman)