Cignal, lumakas, ‘do-or-die’ naipuwersa vs Sta. Elena.

NAKABAWI sa kahihiyang tinamo sa opening match ang Cignal HD Spikers laban sa Sta. Elena Wrecking Balls sa straight set para maipuwersa ang do-or-die Game 3 ng kanilang semifinal duel sa Premier Volleyball League (PVL) men’s division kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.

Hataw si Saku Capate sa naiskor na 15 puntos para sandigan ang Cignal HD Spikers sa 25-17, 25-19, 25-22 panalo at ayudahan ang kampanya na makausad sa Finals.

Naglalaban ang Air Force at Army sa hiwalay na semifinal match up.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Gaganapin ang ‘sudden death’ sa Huwebes ganap na 12:00 ng tanghali.

“I told my player to just believe that they can do it. Tapos unang-una, it’s not about the skills naman eh, it’s about the mindset,” sambit ni head coach Oliver Almadro.

Hinagupit ni open spiker Capate, nalimitahan sa limang puntos sa four-set na kabiguan sa opening match, ang depensa ng Sta. Elena tampok ang siyam na atake, apat na blocks at dalawang service ace.

“Ang mindset namin is when we go inside that court, ipapakita namin kung ano ang worth nila,” pahayag ni Almadro.

Nag-ambag si tournament leading scorer Mark Alfafara ng siyam na puntos, habang kumubra si skipper Ysay Marasigan ng siyam na puntos at 11 reception.

Nabulabog ng todo ang Sta. Elena na nagtamo ng turnover para sa 31 puntos ng Cignal. Mula sa 11 puntos sa service play sa Game 1, nalimitahan ang Wrecking Balls sa isang puntos bunsod nang matikas na reception nina Sandy Montero at Marasigan.

Nanguna sa Sta. Elena si San Beda Red spiker Mark Enciso na may 10 puntos, habang tumipa si Edward Camposano ng pitong puntos.

“Sta. Elena is really a strong and talented team until to the last players on the bench kaya magdeliver. So we really have to be prepared, be challenged, and be inspired,” giit ni Almadro.

Sa women’s division, naglalaban ang Pocari Sweat at Power Smashers, gayundin ang BaliPure at Creamline sa Game 2 ng kanilang best-of-three series. Target ng Pocari at BaliPure na maisaayos ang championship match. (Marivic Awitan)