April 13, 2026

Home BALITA National

US military assets, ‘di aalisin sa Pinas para sa giyera sa Middle East—AFP

US military assets, ‘di aalisin sa Pinas para sa giyera sa Middle East—AFP
Photo courtesy: via AP News

Itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na maaaring bawiin ng United States ang mga kagamitang militar nito mula sa Pilipinas upang ilipat sa nagpapatuloy na tensyon sa Middle East.

Ito ang nilinaw ni Rear Adm. Roy Vincent Trinidad, tagapagsalita ng AFP para sa West Philippine Sea, ang paglilinaw kasunod ng mga ulat na inililipat ng Washington ang ilang Patriot air defense missile batteries at bahagi ng Terminal High Altitude Area Defense (THAAD) system mula sa South Korea upang suportahan ang operasyon na may kaugnayan sa alitan ng Iran at Israel.

Ayon kay Trinidad, wala umanong indikasyon na aalisin ng Estados Unidos ang mga kagamitang militar nito sa Pilipinas.

“There are no indications of the US pulling out military assets from the Philippines,” ani Trinidad.

Dagdag pa niya, “The situation in South Korea involves specific air defense systems being redeployed to the Middle East, which is a separate theater arrangement and does not apply here.”

National

Palasyo sa nambabatikos kay PBBM: ‘Puro tayo pintas, pero walang nagagawang solusyon!’

Ipinaliwanag din ng opisyal na nananatiling matatag ang sitwasyon ng militar sa bansa sa kabila ng mga pagbabago sa pandaigdigang seguridad. Aniya, lalo pang tumitibay ang ugnayan ng Maynila at Washington.

“The upward trajectory of the RP-US alliance is manifested in our continuing maritime activities, strengthened MDB-SEB (Mutual Defense Board-Security Engagement Board Meeting) engagements and the recent approval of the Philippine Enhanced Resilience Act authorizing $2.5 billion in security assistance over the next five years,” he said.

Sa kasalukuyan, may ilang mahahalagang sistema ng militar ng US na umiikot ang deployment sa Pilipinas, kabilang ang Typhon Mid-Range Capability (MRC) na kayang maglunsad ng Tomahawk cruise missiles at SM-6 missiles, ang Navy-Marine Expeditionary Ship Interdiction System (NMESIS), at ang High Mobility Artillery Rocket System (HIMARS).

Samantala, sa ilalim ng Philippine Enhanced Resilience Act na ipinasa ng Kongreso ng US noong huling bahagi ng 2025, nakatakdang tumanggap ang Pilipinas ng $500 milyon na tulong militar bawat taon hanggang 2030 upang palakasin ang coastal defense at long-range firing capabilities ng AFP.

Dagdag pa ni Trinidad, patuloy ring pinalalakas ang kooperasyon ng dalawang bansa sa pamamagitan ng Mutual Defense Board–Security Engagement Board (MDB-SEB), na kamakailan ay nag-apruba ng mahigit 500 magkasanib na aktibidad militar para sa 2026.

Sa kasalukuyan, may access ang Estados Unidos sa siyam na strategic na lokasyon sa Pilipinas kung saan maaaring mag-imbak ng kagamitan at magtayo ng mga pasilidad na pagmamay-ari pa rin ng pamahalaan ng Pilipinas.

Iginiit ng AFP na mahalaga ang mga EDCA site upang mapalakas ang interoperability ng pwersa ng dalawang bansa at upang mapabilis ang pagtugon sa mga sakuna sa rehiyon.