Nasa P250,000 halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska ng awtoridad mula sa dalawang housewife sa buy-bust operation sa Quezon City.
Inaresto ng Drug enforcement operatives ng Cubao Police Station (PS-7) si Margie Daria, alyas Joana, 48, at kanyang kasabwat na si Francia Padayao, 54, nang makuha sa kanila ang 50 gramo ng shabu sa operasyon sa loob ng isang fastfood restaurant sa panulukan ng V. Luna Street at Kalayaan Avenue sa Barangay Malaya, bandang 10:45 ng umaga.
Sinabi ng pulis na nag-ugat ang operasyon sa tip ng isang police asset na nagsabing si Daria ay kilabot na tulak ng shabu sa Cubao area.
Sa tulong ng asset, naitakda ng awtoridad ang transaksiyon noong Hunyo 3 upang makabili kay Daria ng 100 gramo ng shabu sa halagang P160,000.
Ngunit habang pinaghahandaan ng mga pulis ang operasyon, naiulat na kinansela ni Daria ang deal dahil kukunin pa umano niya ang kanyang supply ng shabu. Kaya, kinabukasan, Hunyo 4, na lamang itinakda ang deal.
Bandang 1:00 na ng hapon, sa loob ng isang fastfood restaurant, nang makipagkita si Daria na may kasamang apat na hindi pa nakikilalang indibiduwal. Gayunman, sinabi ni Daria na hindi pa niya natatanggap ang droga na binibili ng mga poseur-buyer. Sinabi rin ni Daria na hindi niya maidi-deliver ang 100 grams at nakiusap na kalahatiin ang order.
Pumayag naman ang mga undercover at itinakda ang deal nitong Lunes.
Sa pagkakataong ito si Padayao ang kasama ni Daria, bandang 10:00 ng umaga. Sinabi ng pulis na si Padayao ang tumanggap ng P85,000 marked money, habang si Daria ang may hawak ng paper bag na naglalaman ng malaking pakete ng umano’y shabu.
Hindi na nakapalag ang dalawa nang arestuhin sila ng mga pulis. (Vanne Elaine P. Terrazola at Jun Fabon)