CAGAYAN DE ORO CITY - Bumili ng mga armas ang mga teroristang miyembro ng Maute Group sa isang lokal na gun-runner ilang araw bago nito sinalakay ang Marawi City sa Lanao del Sur nitong Mayo 23.

Ito ang ibinunyag ng isang kasapi ng Sautol Haqq (Voice of Truth), grupo ng mga pinunong Maranao, nang manawagan ang mga ito kay Pangulong Duterte na tigilan na ang mga air strike sa Marawi laban sa Maute Group.

Ayon kay Atty. Ganie Abubacar, dating presidente ng Integrated Bar of the Philippines (IBP)-Lanao del Sur, sinabi ng kanilang mapagkakatiwalaang source na dolyar ang ginamit ng mga terorista nang mamili ng mga armas ang mga ito.

Sinabi ni Abubakar na ang nagbenta ng mga baril ay isang police character na itinalagang magkumpuni ng mga nasisirang baril ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

“This gun-runner was previously arrested by the police and NBI (National Bureau of Investigation) operatives for gun-running,” ani Abubakar.

Iginiit kahapon ng Sautol Haqq ang panawagan nila kay Pangulong Duterte na tigilan na ang pambobomba dahil, una, sinabi na ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na kontrolado na ng militar ang 95% ng Marawi.

Pangalawa, ayon sa grupo, mga residente ang maaapektuhan sa iiwang pinsala ng mga pambobomba sa siyudad; at pangatlo, hindi maaaring manatili nang matagal ang mahihirap na taga-Marawi sa mga evacuation center, na nagdurusa na ngayon.

Umapela rin ang grupo kay Duterte na bumuo ng isang independent commission na mag-iimbestiga sa krisis at mangangasiwa na rin sa rehabilitasyon ng lungsod. (CAMCER ORDOÑEZ IMAM)