Nina GENALYN KABILING at MARY ANN SANTIAGO

Bigo ang gobyerno na matupad ang itinakda nitong deadline na Hunyo 2, Biyernes, sa paglipol sa mga miyembro ng Maute Group sa Marawi City, Lanao del Sur matapos na mahirapan ang mga operatiba ng pamahalaan, partikular na sa paggamit ng mga terorista ng mga sibilyan bilang mga human shield.

Inamin ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla na bahagya nilang limitahan ang kanilang mga pagkilos upang hindi malagay sa alanganin ang buhay ng mga sibilyang naiipit sa kaguluhan.

“Based on the report that we’re getting I don’t think we can meet that deadline today (Hunyo 2) to completely—I’d like to qualify that—to completely free Marawi of every single armed element in every street,” sinabi ni Padilla sa press conference sa Malacañang.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Compounding the situation on the ground is the use of these forces, these armed elements of children and civilians as human shields,” ani Padilla.

Aniya, tatalima ang militar at pulisya sa mga patakaran sa harap ng “complexity of war”, at iginiit na determinado silang tiyakin ang kaligtasan at proteksiyon ng kababaihan at mga bata.

“Sinisigurado na wala silang kasama. Mahirap gumalaw kapag may dalang sibilyan na gamit na shield. ‘Yung sundalo hindi talaga magpapaputok,” sabi ni Padilla. “There are international protocols related to this kaya nag-iingat tayo. We have to protect children, we have to protect women, we have to protect innocent lives.”

Bukod sa paggamit ng human shields, sinabi ni Padilla na ginawa na ring staging area ng mga terorista ang mga madrasah, habang sa mga mosque naman nakapuwesto ang mga sniper ng Maute.

Matatandaang inihayag kamakailan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, martial law administrator, na malilipol ng militar ang Maute sa Marawi sa Hunyo 2.

BUHAY PA LAHAT

Samantala, nakatanggap ng balita si Marawi Bishop Edwin Dela Peña mula sa ilang peace advocate na naging kasama noon ni Father Chito Suganob na buhay pa ang lahat ng bihag ng Maute, kasama ang huli.

We are getting stories from outside, regarding the hostages at saka kung ano ang ginagawa ng ibang mga grupo to negotiate for their release,” pahayag ni Dela Peña sa panayam ng Radio Veritas. “May mga Muslim na tumutulong, without us knowing it, on their own they are doing their own work.”

Natutuwa naman ang Obispo sa ipinapakitang malasakit ng mga kapatid na Muslim na gumagawa ng “back channel negotiations” para matiyak ang kaligtasan ng mga bihag at mabawi ang mga ito nang ligtas.

“We don’t know exactly kasi di naman kami nag-coordinate and also delicate itong process, so they are doing on their own, and we are very thankful for that. Akala namin nag-iisa lang kami, marami palang tumutulong sa amin,” pasasalamat ng Obispo.