Mahigit 300 peacekeeper ng government at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang itinalaga upang tiyakin ang seguridad sa “peace corridor” na binuksan mula sa Marawi City hanggang sa Malabang, inihayag kahapon ng chief negotiator ng pamahalaan.
Layunin ng paglikha sa peace corridor na mapaglaanan ng ligtas na daanan ang mga lumilikas na residente ng Marawi City, bukod pa sa pagbibigay ng humanitarian aid sa mga sibilyan.
“On behalf of Secretary Jesus Dureza, I am pleased to announce today the peace corridor has been set up by a composite team of the AFP (Armed Forces of the Philippines), PNP (Philippine National Police), and MILF who are as we speak travelling from Malabang to Marawi to set up the Joint Coordinating, Monitoring, and Assistance Center (JCMAC),” sinabi ni Irene Santiago, chairperson ng government peace panel, sa press briefing sa Malacañang.
Sinabi ni Santiago na dalawang center ang bubuksan sa Marawi at Malabang, habang isang mobile center din ang maglilibot sa peace corridor.
“More than 300 trained members of the joint peace and security teams are being deployed throughout the length of the corridor and will be augmented as the need arises,” ani Santiago.
“The government and the MILF peace panels are supervising the peace corridor,” dagdag niya.
Una nang inaprubahan ni Pangulong Duterte ang pagtatatag ng peace corridor kasunod ng pakikipagpulong sa mga pinuno ng MILF sa Davao City tungkol sa pagkakaloob ng ayuda sa mga pamilyang apektado ng krisis sa Marawi. - Genalyn D. Kabiling