MATAPOS ang 45 taon sapul nang magdeklara ng martial law si ex-Pres. Ferdinand E. Marcos, heto na naman ang Pilipinas na muling makakatikim ng panibagong martial law sa ilalim ng Duterte administration. Ito ay tatagal lang ng 60 araw.

Ang batas-militar ni Mano Digong ay sa buong Mindanao pa lang subalit posibleng ideklara rin sa Visayas at Luzon kapag kumalat ang terorismo at karahasan ng ISIS-inspired Maute Group.

Ang deklarasyon ay ginawa ni Pres. Rody habang siya ay nasa Moscow para sa apat na araw na state visit sa Russia upang makausap ang kanyang idolo na si Pres. Vladimir Putin. Sinalakay at kinubkob ng Maute Group ang ilang mahalagang gusali sa Marawi City, tulad ng Amai Pakpak Medical Center, city jail, city hall, at simbahan. Sa unang mga ulat, limang sundalo at dalawang pulis ang napatay at maraming sibilyan ang nasugatan. Pinutol ng Pangulo ang state visit na naunawaan naman ni idol.

May report pang siyam na sibilyan na napadaan sa checkpoint ng teroristang grupo ang hinarang, pinababa sa sasakyan, pinapila at pinagbabaril. Parang gunita ng Maguindanao Massacre na ikinamatay ng 58 tao, kabilang ang 32 journalist, na kagagawan umano ng mga Ampatuan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Tampok sa martial law ni PDu30 ang sumusunod: l. shoot to kill sa sino mang may armas at lalaban; 2. ASSO (arrest, search and seizure order); 3. Curfew sa Lanao, Maguindanao, Sultan Kudarat, North Cotabato at Zamboanga; 4.

Suspensiyon ng habeas corpus sa Mindanao at posibleng umabot hanggang Visayas; 5. Mananatiling bukas ang mga korte sa Mindanao; 7. Aalisin lang ang martial law kapag napatatag na ng AFP at ng PNP ang sitwasyon.

Samantala, inatasan ni Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno ang mga hukom sa Mindanao na panatilihing bukas ang mga tanggapan kahit nagdeklara ng martial law si PRRD bilang tugon sa pagsiklab ng karahasan sa Marawi City.

“Dahil sa deklarasyon ng martial law na tatagal ng 60 araw, inaatasan ng Chief Justice ang lahat ng korte sa Mindanao na manatiling bukas at lahat ng hukom ay manatili sa kanilang puwesto,” pahayag ng Supreme Court.

Mananatili pa ng anim na buwan si AFP chief of staff Gen. Eduardo Año sa puwesto dahil siya ang magiging implementor ng martial law sa Mindanao, ayon sa Pangulo. Samakatuwid, siya ang kauna-unahang Heneral na binigyan ng extension. Siya ay nakatakdang magretiro sa serbisyo sa edad na 56 sa darating na Oktubre. Maaga sana siyang magreretiro ngayong Hunyo at magiging DILG Secretary, pero naganap nga ang pag-atake ng Maute Group sa Marawi City.

Kabilang sa hostages ng teroristang grupo si Fr. Teresito Suganog, parish priest ng Marawi, dalawang kasambahay at 10 parishioners. Nagdarasal si Fr. Suganog at ang mga parishioner noong bisperas ng Feast of Our Lady Help of Christians nang biglang pumasok ang mga Maute at sila’y tinangay. (Bert de Guzman)