Bukas ang gobyerno na Pilipinas na tanggapin ang mga ayuda at iba pang tulong mula sa European Union (EU) kung naaayon ang mga ito sa mga prayoridad na proyekto at programa ng administrasyong Duterte, sinabi ng Department of Finance (DOF).

Matapos tanggihan ng pamahalaan ang alok na tulong ng EU, nagsalita si Finance Secretary Carlos G. Dominguez III sa unang pagkakataon para liwanagin na hindi tuluyang isinasara ng administrasyong Duterte ang pintuan nito sa mga tulong pinansiyal ng Europe.

“We’re not saying we’re shutting the door. Of course we will accept it, if it is according to our priority [like infrastructure],” paliwanag ni Dominguez sa mga mamamahayag nitong Biyernes ng gabi.

Ayon pa kay Dominguez, bukas din ang gobyerno na i-renegotiate ang mga tinanggihang tulong kapag nirespeto ng Europe ang internal affairs ng Pilipinas.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Sinabi ni Dominguez na may dalawang rason ang gobyerno kayat inayawan ang $95 milyong tulong mula sa Europe – una ay ang diumano’y pakikialam ng EU sa internal affairs ng bansa, at pangalawa ay ang mga inilatag na kondisyon sa kontrata na hindi naayon sa mga prayoridad ng administrasyon.

“The day is past when you have these marketing officers from foreign funding agencies come here to tell us what to do,” ani Dominguez.

Naniniwala si Dominguez na ang mga ayuda, pautang at iba pang tulong sa bansa ng mga banyagang institusyon ay dapat na nakaugnay sa mga prayoridad ng administrasyong Duterte tulad ng infrastructure development, pagbawas sa kahirapan, at pagtamo sa kapayapaan.

Inamin din ng finance chief na siya ang nagpayo kay Pangulong Rodrigo Duterte na tanggihan ang mga tulong ng EU dahil “for the last six months our President has been talking about particularly the EU in interfering in our internal affairs.”

Gayunman, tiniyak ng DOF chief, na magpapatuloy ang lahat ng mga umiiral na ayuda mula sa EU.

“What you gave us in the past and what was accepted, [it’s] fine. We’re not bothered with that, it’s ongoing,” ani Dominguez. - Chino S. Leyco