Nina FER TABOY, FRANCIS WAKEFIELD at LEO DIAZ
Napaulat na 32 Kristiyano ang hawak ngayon ng Maute Group matapos pasukin ng grupo ang gusaling pinagtataguan ng nabanggit na bilang ng mga sibilyan sa Marawi City.
Ito ang nabatid ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na iniulat din ng Bombo Radyo, matapos umanong pasukin ng mga terorista ang gusaling pinagtataguan ng mga sibilyan sa lungsod, bandang 1:00 ng hapon nitong Sabado.
Sa report sa website ng Bombo Radyo, na tinampukan ng screenshot ng palitan ng mensahe ng hindi kinilalang kaanak umano ng isa sa mga binihag na si “Bonjing”, humihingi ng tulong ang huli para ma-rescue sila.
Batay sa mensahe, ipinarating umano ni Bonjing sa kaanak na nanginginig sila sa matinding takot bukod pa sa apat na araw na silang walang makain at walang mainom.
Nabatid pa sa report na 11 sa nasabing bilang ng mga bihag ay bata, na nagkakasakit na rin umano ang ilan habang alipin ng matinding takot na mapugutan.
Kaugnay nito, nagpahayag naman ng kalungkutan ang pamahalaang lungsod ng Marawi sa nasabing report, at sinabing gustuhin man ay hindi kaagad na mare-rescue ang mga bihag dahil bukod sa delikado para sa militar, una na umanong nagbanta ang Maute na papatayin ang mga hostage sakaling pasukin sila ng mga sundalo.
DEATH TOLL
Kasunod nito, natagpuan sa magkahiwalay na lugar sa Marawi ang 16 na bangkay, kabilang ang isang bata, na tadtad ng tama ng bala ng baril.
Sinabi ni Brig. Gen. Restituto Padilla, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Sabado ng gabi nang natagpuan ang walong bangkay, apat na lalaki, tatlong babae at isang bata, malapit sa Mindanao State University.
Inaalam pa ng Marawi City Police Office (MCPO) ang pagkakakilanlan ng mga biktima.
Samantala, walong iba pang bangkay—na kinilala ng mga residente na mga trabahador sa panaderya—ang nadiskubre ng militar kahapon ng umaga sa isang madamong bangin.
Pawang nakagapos ang mga biktima na may karatula pa na nasusulatan ng “Munasik” na nangangahulugan ng traydor.
Kinumpirma naman kahapon ng AFP na may kabuuang 61 miyembro ng Maute ang kanilang napatay sa ikalimang araw ng matinding bakbakan.
Sa isang pahayag, sinabi ni Padilla na 42 bangkay ng Maute ang nadiskubre, habang 19 na iba pa ang nakumpirmang nasawi batay sa eyewitness accounts.
Dagdag pa ni Padilla, batay sa datos kahapon, bandang 2:00 ng hapon, 15 na sa panig ng gobyerno ang nasasawi: 11 dito ang sundalo at apat ang pulis.
Habang isinusulat ang balitang ito ay ina-update pa ang bilang ng mga nasugatang pulis at sundalo, na naitala sa 39 nitong Biyernes.
SEGURIDAD SA MINDANAO
Sinabi rin ni Padilla na nasa 124 sibilyan na rin ang na-rescue ng militar at pulisya.
Samantala, nakaalerto ang puwersang pangseguridad sa Mindanao dahil na rin sa ipinaiiral na batas militar sa rehiyon, habang aminado naman ang ilang negosyante na naaapektuhan na ng martial law ang kanilang mga negosyo.
Sinabi ni Ching Lee, presidente ng Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry sa Sultan Kudarat, na bagamat hindi pa gaanong ramdam ang epekto ng batas militar sa lalawigan, ilang maliliit na negosyo—partikular ang aktibo sa gabi—ang apektado sa ipinatutupad na curfew hours.
Naghigpit din ang mga piitan kasunod ng pagpapatakas ng Maute sa mahigit 100 bilanggo ng Marawi City Jail bago silaban ang pasilidad nitong Martes.
Sa bilangguan sa Barangay Lanton sa General Santos City, pansamantalang ipinagbawal ang dalaw sa nasa 1,200 preso kasabay ng paghihigpit sa seguridad sa mga ito, lalo pa at kaanak umano ng ilang miyembro ng Maute ang nakapiit doon.
Kampante naman ang pamunuan ng mga piitan sa North at South Cotabato dahil na rin sa karagdagang puwersa ng militar na nakakalat sa dalawang lalawigan.