PUERTO Princesa City, Palawan – Hindi lamang kayumihan bagkus ang kahusayan ni Fiipino-American Courtney Melissa Tan-Gray ang bumighani sa kanyang mga kababayan sa ginaganap na 2017 Pilipinas International Beach Sports Festival dito sa Baywalk.
Bumida ang 19-anyos na si Gray, anak ng retiradong sundalong Amerikano na naninirahan na ngayon sa Florida at Pilipinang ina na taga Puerto Princesa, sa women’s 10-k open water swimming competition.Naisumite ni Gray ang tyempong 2:38.02 upang madomina ang kumpetisyon sa kagalakan ng mga manonood na kinabibilangan ng kanyang inang si Vivian at ibang kamag-anakan.
Pumangalawa si Erika Kristy Lukang sa 2:42.57.
“Masayang-masaya ako sa panalo kong ito. Dito ako lumaki at madami akong kaibigan dito,” pahayag ni Gray, nagtapos sa British International School sa Phuket,Thailand kamakailan.
Bago lumipat sa Phuket, nag-aral si Gray ng elementarya sa Hope Christian School-Palawan at lumipat sa Trace College-Laguna sa tulong ni national coach Carlos “Pinky” Brosas nung 2010 at St. Paul’s Pasig nung 2013.
“Kung bibigyan ng pagkakataon, gusto kong lumaban dala ang ating bandila sa darating na SEA Games in Kuala Lumpur, Malaysia.
Personl na ipinagkaloob ni Puerto Princesa City Mayor Luis M. Marcaida III ang premyo at tropeo kay Gray na kanya ding binati sa pagbibigay ng karangalan hindi lamang sa lungsod kundi sa buong Palawan.
Inanyayahan din ni Mayor Marcaida si Gray na dumalo sa flag-raising ceremony ngayong araw sa Puerto Princesa City Hall, na kung saan muli siyang pararangalan.
Nakahati kay Gray sa pagdiriwang sina national team member Teodoro Roy Canete, Mico Anota at Juan Carlos Abad sa men’s division.
Nanguna si Canete, pride ng General Santos City, sa tyempong 2:13.38, kasunod sina Anota (2:17.57) at Abad (2:26.14).
Samantala, lsa pang mainit ang tagisan sa beach water polo event ang matutunghayan ngayon.
Kabuuang 10 koponan sa lalaki at tatlo sa women’s class mula sa USA, Canada, Russia, Uzbekistan, Malaysia, HongKong, China, Sinagpore ang makakalaban ng Team Philippines.