DAVAO CITY – Sinabi ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na maaapektuhan ng deklarasyon ng martial law sa Mindanao ang peace negotiations ng gobyerno (GRP) at ng NDFP panels, na magdadaos ng ikalimang serye ng mga pag-uusap sa Mayo 27 hanggang Hunyo 2, sa Netherlands.

Sa pahayag na inilabas dalawang araw bago ang pagpapatuloy ng peace negotiations, iginiit ng NDFP na ang batas militar na idineklara ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ay hindi lamang laban sa New People’s Army (NPA), ang armadong sangay ng mga komunista, kundi sa lahat ng mamamayan sa kabuuan dahil sinusupil nito ang kanilang karapatang sibil at politikal.

Ito ang reaksiyon ng NDFP sa pahayag ni GRP peace chief negotiator Silvestre Bello na mali ang pagkakaintindi ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa mga layunin ni Pangulong Duterte na isailalim ang Mindanao sa Martial Law.

Pinanindigan ni Bello na hindi target ng batas militar ang mga mandirigmang NPA.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

“There was a need to restore law and order, protect the lives of the citizens and preserve private and state properties.
The President, in no uncertain terms, categorically declared he was not after the New People’s Army,” ani Bello.

Ngunit kinontra ito ng NDFP at sinabing tinukoy mismo ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang NPA na isa sa mga “problema” ng gobyerno sa pagsasailalim sa buong Mindanao sa batas militar gayong nangyayari lamang mga labanan sa Marawi City sa pagitan ng mga sundalo at mga lokal na teroristang Maute Group.

Hiniling ni Bello sa CPP na bawiin ang kautusan sa NPA na magsagawa ng mga opensiba sa bansa.

Ngunit sinabi ng NDFP “it is imperative for the New People’s Army (NPA) to take action to oppose and fight it in order to defend the people’s rights and interests.”

Ayon dito nababahala ang NDFP na magreresulta ang batas militar sa mga pang-aabuso ng mga sundalo sa mga karapatang pantao. (ANTONIO L. COLINA IV)