Tinanggap ng gobyerno ang €530 milyon tulong mula sa Hungary sa pagsusumikap ng bansang European na palakasin ang relasyon sa Pilipinas at iba pang bansa sa East at Southeast Asian, sinabi ng Agriculture Secretary Manny Piñol.
Dumating ang tulong matapos magpasya ang administrasyong Duterte na hindi na tatanggap ng mga bagong tulong mula sa European Union (EU).
Ang pondo, ayon kay Piñol, ay inialok ni Hungarian Foreign Minister Peter Szijjarto sa kanilang pagpupulong sa Budapest nitong Miyerkules.
Ilalaan ang €510 milyon sa credit facility para pondohan ang mga negosyo na magpapalakas sa ugnayan ng dalawang bansa, at ang €20M ay para sa pag-aaral sa rehabilitasyon ng Laguna Lake at Manila Bay na bahagi ng programa ng Department of Agriculture sa sustainable fishing.
Nag-alok din ang Hungarian government, kasama ang United Nations Food and Agriculture Organization, ng scholarship slots para sa 40 Pilipino post-graduate students na kumukuha ng kurso sa agrikultura.
“I am glad because this trip had been fruitful, and with the help of (Philippine) Ambassador (to Hungary) Maria Fe Pangilinan, we are able to secure these funds,” ani Piñol sa video na ipinaskil sa kanyang Facebook account.
(Vanne Elaine P. Terrazola)