MATAGUMPAY na nalagpasan ni Sunshine Vallejos Mendoza ang programa sa International Cycling Union (UCI) National Commissaires Course for Road upang maging unang Pinay na commissaire ng sport.
Bukod kay Mendoza, pumasa rin sa nasabing Commissaires Course na inorganisa ng Singapore Cycling Federation nitong Mayo 18 - 21 sa Singapore Sports Hub si Franklin Gonzales ng Kapatagan, Lanao del Norte.
Si Mendoza ang project director ng Le Tour de Filipinas (LTdF), ang natatanging multi-stage road race sa bansa na kabilang sa UCI Asia Tour calendar na nakatakdang magdaos ng kanilang ika-9 na edisyon sa Pebrero ng susunod na taon habang nagsilbi namang assistant commissaire si Gonzales sa naunang walong edisyon ng torneo.
“It’s a major responsibility to become a UCI National Commissaire and we are bound by regulations,” pahayag ni Mendoza. “I will do my best to carry out that responsibility for the development of road cycling in the Philippines.”
Pinangasiwaan ni UCI International Commissaire (IC) for Road Navaratnaraja Karunaratna ng Sri Lanka ang course na dinaluhan ng 12 kalahok mula Singapore, Malaysia, New Zealand at Pilipinas.
Ang partisipasyon nina Mendoza at Gonzales sa Level 2 course ay inindorso ni PhilCycling President at Tagaytay Rep. Abraham “Bambol” Tolentino at Chairman Alberto Lina at sinuportahan ni LTdF organizer Donna Lina.
Ang dalawang UCI commissaries ay makakasama ng pool ng road commissaries ng bansa na kinabibilangan nina IC Jose Adolfo “Ding” Cruz, Elite National Commissaire Jun Lomibao at National Commissaire Carlos Gredonia. (Marivic Awitan)