Mga Laro Ngayon
(Alonte Sports Arena)
4:15 n.h. -- Globalport vs Rain or Shine
7 n.g. -- Ginebra vs Blackwater
PATITIBAYIN ng Barangay Ginebra ang tsansa para sa top 2 spots sa pakikipagtuos kontra Blackwater sa tampok na laro ngayong gabi sa 2017 OPPO-PBA Commissioners Cup sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.
Kasalukuyang pumapangalawa ang Kings sa namumunong Star Hotshots na lamang sa kanila ng dalawang panalo sa hawak nitong 8-2 marka.
Tatangkain ng Ginebra na kumalas sa pagkakabuhol nila ng San Miguel Beer sa ikalawang posisyon upang makalamang sa pinag -aagawang top two slots papasok ng playoffs na may kaakibat na bentaheng twice-to-beat.
Kaparis ng kanilang nakaraang panalo kontra San Miguel, inaasahan ni coach Tim Cone na muling ipapakita ng Kings ang hinahangaan sa kanilang karakter at teamwork upang patatagin ang tsansa nila sa target na insentibo.
Muli niyang aasahan ang import na si Justin Brownlee na nagtapos na may 34-puntos, 12-rebound at apat na block sa nakaraan nilang laro gayundin ang suporta dito ng iba pa nilang manlalaro partikular sina Japeth Aguilar, LA Tenorio, Joe Devance at Scottie Thompson.
May gahibla pang tsansa na makaabot sa huling playoff spot, ito ang kakapitan ng Elite na kailangang mawalis ang nalalabing dalawang laro sa eliminations at umasang hindi umabot ng limang panalo ang mga sinusundang koponan ng Mahindra(3-7), Globalport (3-6) Phoenix(4-6) at Alaska(4-5).
Mauuna rito, sasakyan ng Rain or Shine ang momentum na nakuha mula sa naitalang panalo kontra Barangay Ginebra sa nakaraan nilang laro upang makamit ang inaasam na ikaanim na panalo na pormal namang maghahatid sa kanila sa susunod na yugto.
Pinangunahan ng balik-import na si Duke Crews, ipinalit ng defending champion Elasto Painters kay Shawn Taggart ang kanilang 118-112 na panalo kontra Kings noong nakaraang Mayo 19 sa itinala nitong 28 puntos, 22 rebound at tig-dalawang assist at block.
Gagamitin namang buwelo ng Globalport ang huling panalo na naitala kontra Meralco upang palakasin ang tsansang umusad sa playoffs. Nasa solong ikapitong puwesto ngayon ang Batang Pier na may kartang 3-6. (Marivic Awitan)