NAGLULUKSA ang local show business sa pagpanaw ng batikan at award-winning director na si Gil Portes. Siya ay 71 taong gulang.
Unang sumabog ang balita sa Facebook nitong Miyerkules, May 24, na natagpuang wala nang buhay si Direk Gil sa apartment niya sa Mapagmahal St., Quezon City.
Nai-post kahapon na ang kanyang malalapit na kaibigang kapwa direktor na sina Joel Lamangan, Mel Chionglo, at Armand Reyes ay nasa morgue ng East Avenue Hospital na pinagdalhan sa bangkay ni Direk Gil.
Pero hanggang sa isinusulat namin ito, wala pang resulta ng autopsy, upang matukoy ang dahilan ng pagkamatay ng veteran director.
Bagamat ilang malalapit na kaibigan niya ang nagsabing matagal na siyang may heart problem at may medical history ng bypass operation.
Nasa New York, USA ang pamilya at mga kamag-anak sa hometown niyang Pagbilao, Quezon, pero mas pinili niyang mamuhay mag-isa sa Manila upang ipagpatuloy ang kanyang pagiging direktor.
Text message ni Direk Armand sa amin: “No autopsy report yet. Body still in morgue, waiting for relatives from Quezon Province and New York, USA.
“He was living alone in Mapagmahal St., Quezon City. No update yet on the wake details.
“Kagabi (May 24), nakontak na ng isang pamangkin, si MarJun Merluza, ang panganay na anak ni Direk Gil, si Carlo Portes na nagtatrabaho bilang banker somewhere in Indonesia.
“I suppose, nakontak na ni Carlo kagabi rin ang kanyang inang si Telly. Carlo said he, mom, and sibling Justin would fly to Manila soon.”
Pero ang nakakabigla ay ang istoryang ito:
Dahil nag-iisa si Direk Gil sa kanyang tinutuluyang apartment, ang may-ari nito ang tagakatok kay Direk Gil tuwing umaga. Pero nu’ng umagang ‘yun, natagpuan na nga lang nitong yumao na si Direk.
“Baka nangamoy na (ang bangkay), kasi parang over 24 hours nang dead. SOCO raw ang naglabas ng corpse – na nasaksihan ng neighbors/ka-chika ni Direk Gil.
“Ang neighbor na ito ay P.A. (personal assistant) ni Ai-Ai (delas Alas).
“Kahapon, sa taping ng (GMA) show kunsaan si Bibeth Orteza ang direktor, nasabi ng P.A. ‘yung pagkuha ng SOCO sa corpse.
“Nalaman ‘yun ni Bibeth na agad kinontak si Direk Joel Lamangan,” impormasyon din ni Direk Armand via text message.
Nang itext namin si Direk Joel upang i-verify ito, ang sagot ni Direk, “Yes, I was told of the same thing by Bibeth!
“The family is coming home (from New York), will be here daw by Friday (ngayon). Meantime, inaalis na raw ang remains sa morgue ng East Avenue Hospital.
“Hindi ko pa alam kung saan funeral parlor dadalhin,” text message ni Direk Joel, na ang premiere night ng kanyang pelikulang Bhoy Intsik sa SM Megamall nitong Marso ang huling dinaluhang showbiz event ni Direk Gil.
Si Direk Gil Portes ay nagdirihe ng award-winning films na ‘Merika at Andrea, Paano Ba Ang Maging Isang Ina? (Nora Aunor), Miss X (Vilma Santos), Mga Munting Tinig at Homecoming (Alessandra de Rossi), Saranggola (Ricky Davao), at Mulanay (Gina Alajar at Jaclyn Jose).
Ang iba pang mga unforgettable movies niya ay Markova: Comfort Gay (Dolphy), Gatas: Sa Dibdib ng Kaaway (Mylene Dizon at Jomari Yllana), Miguel, Michelle (Romnick Sarmenta), Two Funerals (Tessie Tomas, Xian Lim), atbp.
Last year, ginawa niya ang Ang Hapis At Himagsik ni Hermano Puli (Aljur Abrenica) bilang personal tribute niya sa “unsung hero” ng kanyang home province.
Ang last shown film niya ay ang Moonlight Over Baler (Elizabeth Oropesa, Vin Abrenica) nitong nakaraang Pebrero lang.
Nitong unang linggo ng Mayo, um-attend pa siya ng producers and directors meeting sa MMDA office para sa bago sana niyang pelikulang Mindanao written by Doy del Mundo, to be produced sana ng Department of Health, na nais niyang isali sa MMFF 2017.
Sa local scene, ayon sa IMDB (internet), apat na beses siyang tinanghal na Best Director para sa mga sumusunod:
Sa MMFF para sa Andrea, Paano Ba Ang Maging Isang Ina? (1990), sa Gawad Urian at FAMAS para sa Mga Munting Tinig (2002), sa Cinemalaya para sa Two Funerals (2010).
At sa international scene, nanalo rin si Direk Gil as Best Director sa Palm Beach International Film Festival para pa rin sa Mga Munting Tinig.
Bukod sa mga ito ay marami siyang nominations at awards sa mga de-kalibreng pelikulang nagawa niya.
Paalam at maraming salamat po sa inyong mga pelikula, Direk Gil. Ang inyo pong mga obra at legacy para sa pelikulang Pilipino ay mananatili sa amin puso. (MELL T. NAVARRO)