NAG-UUMAPAW na sana ang “pogi points” ng Philippine National Police (PNP) nang “ma-neutralize” ng mga operatiba ng Anti-Bank Robbery and Intelligence Task Force Group (ABRITFG), ang 11 miyembro ng kilabot na Kuratong Baleleng Group (KBG) sa engkuwentro sa may Commonwealth Ave sa Quezon City – ngunit biglang lumutang ang isang imbestigador ng Criminal Investigation Command (CIC) at nagpasabog ng balitang “rubout” ang barilang naganap.
Ang “bomba” ay pinasabog ni SPO2 Eduardo delos Reyes, isa sa mga kilala kong masipag at magaling na imbestigador ng CIC, na CIDG na ngayon, na naatasang mag-imbestiga sa sinasabing engkuwentro sa Commonwealth Avenue. Sa tahasan niyang pagtanggi sa utos ng mga nakatataas niyang opisyal sa PNP, sinabi ni Delos Reyes na hindi kayang palabasin sa imbestigasyon na engkuwentro ang nangyari dahil kitang-kita naman umano na “rubout” ang nangyari.
Dahil sa pagtanggi, naramdaman ni Delos Reyes na siya ay tagilid kaya dumiretso siya sa media. Hindi pala nag-iisa si Delos Reyes, dahil maging si SPO2 Corazon dela Cruz, isa pang imbestigador ng CIC, ay inutusan ding palabasing engkuwentro ang barilan sa Commonwealth Avenue.
Habang abala sina Delos Reyes at Dela Cruz sa pagharap sa media, nawawala naman sa eksena si Mandy Capili, na noong araw na iyon ay kasama ng mga Camp Crame reporter sa isang outing sa Batangas, kaya wala siyang kaalam-alam na sumabog na sa media ang istoryang siya lamang ang reporter na nakasaksi – na ang walo sa 11 napatay na KBG ay buhay na hinuli ng composite team ng Presidential Anti-Crime Commission (PACC) sa Parañaque.
Ayon kina Delos Reyes at Dela Cruz, ang “dramang engkuwentro” sa Commonwealth Avenue ay ipinasya ng mga hepe ng composite team ng PACC - ABRITFG na sina CSupt. Jewel Canson, NCRPO; Sr. Supt. Francisco Subia, Jr., Traffic Management Group (TMG); CSupt Ricardo de Leon, Central Police District Command (CPDC); at CSupt Romeo Acop nang magtanong umano ang “boss” ng PACC na si CSupt Panfilo M. Lacson – “kung bakit nakarating pa nang buhay sa Camp Crame ang mga naarestong KBG member?”
Nagkaroon ng malawakang imbestigasyon at pagkaraan ng isang linggo, lumutang naman si Mandy at sumumpa na kasama siya sa operasyong hinuli nang buhay ang walong KBG member.
Kasunod nito ay kinasuhan na ng murder ang 97 opisyal at operatiba ng ABRITFG. Sa loob ng anim na taon, animo’y alon ang naging takbo ng kaso ng mga akusado, na pinangungunahan ni Lacson, bago tuluyang na-dismiss. Napawalang sala sila Lacson sa kaso dahil isa-isang nawala ang mga testigo at ang tanging naglabasan ay ang mga taong binawi ang kanilang mga sinumpaang salaysay na isinumite sa husgado.
Ito ang dahilan kung bakit ‘di ako... masyadong nagulat nang minsang makasalubong ko si Mandy – ilang buwan din makaraang ma-dismiss ang mga kaso sa Kuratong Baleleng Massacre – habang papalabas siya sa gusali ng CIC, may nakasuksok pang cal. 45 sa bewang, at sumakay sa isang bagumbagong pampasaherong jeep na ayon na rin sa kanya ay sarili na niyang ipinamamasada… ’di na ako nagtanong kung sino ang bumili nito para sa kanya. Tinapik ko na lang siya sa balikat sabay sabing – “Ingat ka sa pagda-drive baka mahuli at matiketan ka pa ng pulis sa kalsada.”
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)