Mga Laro Ngayon
(Fil -Oil Flying V Centre)
10 n.u. -- Air Force vs Café Lupe (men’s)
1 n.h. Air Force vs Pocari Sweat (women’s)
4 n.h. -- Power Smashers vs BaliPure (women’s)
6:30 n.g. -- Creamline vs Perlas (women’s)
PUNTIRYA ng defending champion Pocari Sweat ang ikalawa at huling outright semifinals berth sa pakikipagtunggali sa kulelat na Air Force ngayong hapon sa pagtatapos ng double-round eliminations ng Premier Volleyball League (PVL) sa Filoil Flying V Center sa San Juan.
Inaasahan na hindi magkakaroon ng problema ang Lady Warriors sa pagsungkit ng kanilang ikapitong panalo sa 10 laro matapos ang nauna nilang sweep sa Jet Spikers noong Mayo 6.
Inaasahan namang susubok si coach Rommel Abella ng mga bagong kumbinasyon na kanyang magagamit sa darating na Final Four ng torneo na inorganisa ng Sports Vision.
Ngunit sa pagkakataong ito, hindi makakalaro para sa Lady Warriors ang reinforcement na si Edina Selimovic, hindi na makakalaro hanggang matapos ang season dahil sa natamong hamstring injury, sa nakaraang laban nila kontra Creamline.
Magtutuos ang dalawang koponan ganap na 1:00 ng hapon.
Nauna nang umusad sa semis ang BaliPure matapos iposte ng tropa ni coach Roger Gorayeb ang come-from-behind 25-20, 23-25, 19-25, 25-18, 15-7 panalo kontra Creamline nitong Miyerkules.
Isasara ng Water Defenders ang kanilang elimination round campaign sa pagsagupa sa Power Smashers (5-4) ngayong 4:00 ng hapon.
Sa kabila ng kabiguan na nagbaba sa kanila sa markang 3-6, may tsansa pa rin ang Cool Smashers na makahabol sa semifinals dahil pasok sila sa quarterfinals kung saan sasabak sila sa panibagong round robin kasama ng apat pang koponan sa ilalim ng unang dalawang semifinalists.
Ang dalawang mangungunang koponan sa quarters ang uusad sa crossover semis na parehas na best -of-3 series gaya ng mangyayaring duwelo sa magwawaging mga koponan na magtutuos sa finals.
Magtatapat naman ang Creamline at Perlas sa huling laro ganap na 6:30 ng gabi na mistulang tune-up na para sa kani -kanilang quarters campaign. Samantala, maghaharap naman ang Air Force at ang winless na Café Lupe sa nag-iisang laro sa men’s division ng liga ganap na 10:00 ng umaga. (Marivic Awitan)