Tatlong warehouse na umano’y nagsu-supply ng mga pekeng paninda sa Divisoria ang nabisto ng Bureau of Customs (BoC) kahapon.
Ikinubli ang mga paninda, na tinatayang nagkakahalaga ng P105 milyon, sa tatlong warehouse sa loob ng Dagupan Center sa 1331 Dagupan Street sa Tondo, Maynila, ayon kay Col. Neil Anthony Estrella, Customs - Intelligence and Investigation Service (CIIS) director.
Ayon kay Estrella, kabilang sa mga pekeng paninda ay ang daan-daang kahon ng Rexona sachet deodorants; Safeguard soap; Bulldog super glue; Insect spray; diapers; Spalding basketball; mosquito coils; lighters; Mongol pencil; toothbrush; steel scrub; spool at rain coat.
Ayon sa CIIS chief, nag-ugat ang operasyon sa tip ng mga brand owner na pinepeke ang mga produkto sa China, at iniluluwas sa bansa ng mga importer.
Napag-alaman kay Jimmy Guban, case agent, na Chinese businessmen ang may-ari ng mga kinumpiskang paninda na tumangging tanggapin ang opisyal na kopya ng Letter of Authority (LOA) No. 05-09-136-2017 at Mission Order (MO) No. 05-09-2017-1223, parehong inisyu ni Customs Commissioner Nicanor Faeldon noong Mayo 9, 2017.
Gayunman, nakipagtulungan na ang raiding team sa Dagupan Center administrator at security guards at ipinakita ang LOA at MO.
Sa pamamagitan ng LOA at MO, binibigyan ng pagkakataon ang mga may-ari na ipakita ang kanilang valid import documents sa BoC sa loob ng 15 araw.
“But with their failure to comply, the BoC will definitely issue a Warrant of Seizure and Detention on the entire shipment and confiscate it for condemnation,” ayon kay Guban. (Betheena Kae Unite)