Normal at payapa ang sitwasyon sa Metro Manila.
Ito ang ipinarating kahapon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kasunod ng pagsiklab ng krisis sa Marawi.
“Walang dapat ikatakot o ipangamba ang mga residente sa Metro Manila dahil nananatili itong ligtas at nasa full alert status ang mga pulis sa rehiyon dahil sa ginaganap na mga aktibidad para sa ASEAN meeting,” ayon kay NCRPO Regional Director Oscar Albayalde.
Aniya, nagtalaga na ng mga pulis sa matataong lugar partikular na sa mga terminal ng bus, paliparan at pantalan.
Kumikilos na rin maging ang Manila Police District, sa utos ni Manila Mayor Joseph Erap Estrada, at nagsagawa ng mga checkpoint at pagpapatrulya sa paligid ng Malacañang at iba pang government installation na maaaring atekehin ng mga terorista.
“To the Manileños, please rest assured that our law enforcement units are on guard to protect our city,” sinabi kahapon ni Estrada. “In the meantime, remain calm but be vigilant. You have nothing to worry about as of this moment.”
Ipinag-utos din ni Estrada kay MPD Director Police Chief Supt. Joel Coronel na gamitin lahat ng asset ng MPD, upang mapanatili ang katahimikan sa lungsod.
Sa isang panayam, sinabi ni Coronel na napapaligiran na ng security checkpoints at 24/7 foot at mobile patrols ang Malacañang.
“We are on full alert to prevent the incident from Marawi City to spill over in Metro Manila. Baka magkaroon ng mga diversionary actions so we have to prepare for it,” ani Coronel.
Kaugnay nito, nakiusap ang pulisya na i-report ang anumang kahina-hinalang bagay o kilos ng mga indibiduwal at itawag sa NCRPO hotline sa 838-32-03 o mag-text sa 0915-888-81-81. (Bella Gamotea at Mary Ann Santiago)