SA buhay nating mga Pilipino, karaniwan nang ginagawa kapag sumasapit ang kaarawan ay ang magpasalamat.

May iba’t ibang paraan ng pagpapasalamat. Kung Katoliko, ipinagdiriwang ang kaarawan sa pagsisimba bilang bahagi ng pasasalamat sa Poong Maykapal. Kasama sa dalangin-pasalamat na sapitin pa ang maraming kaarawan. Iligtas o iadya sa mga karamdaman, pagkakasakit at mga sakuna sa araw-araw na paglalakbay sa buhay.

Bilang bahagi rin ng pasasalamat, kahit paano ay naghahanda. Kasamang nagsasalu-salo ang pamilya. Kung empleyado at manggagawa, may pakain sa mga kasama sa opisina at sa trabaho. Kung lalaki ang may birthday, kainan at kasunod ang inuman ng alak.

Sa mga bata, ang pagsapit ng unang kaarawan ay hindi nakaliligtaang ipagdiwang ng kanilang mga magulang. Gayundin kapag sumapit na sa pitong taon. Ipinagdiriwang at naghahanda, depende sa kalagayan sa buhay ng mga magulang. Ang mahalaga ay ang pasasalamat ng ina at ama ng bata na nagdiwang ng kaarawan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

May nagdiriwang naman ng kaarawan na magarbo at marangya. Sa buhay at hanay ito ng mga masalapi at nakahilata sa kayamanan. Kasama na rito ang pagdiriwang ng ika-18 kaarawan o debut ng anak na babae.

Sa buhay nating mga Plipino, hindi rin nakaliligtaang ipagdiwang ang ika-40 kaarawan. Ipinaghahanda ang nasabing edad ng tao, at nababanggit ang kasabihan sa Ingles na ‘Life begins at fourty”. Panahon ng pagsapit ng iba’t ibang pagsubok sa buhay. At kung hindi nagkakasakit at buhay pa, ang pagsapit sa ika-50, 60, 70, 80 at 90 kaarawan ay hindi nakaliligtaang ipagdiwang kasama ang mga anak at mga apo bilang pasasalamat sa Diyos sa mahabang buhay.

Sa Antipolo City, Rizal, naging natatangi naman ang pagdiriwang ng kaarawan ng tatlong senior citizen sapagkat ipinagdiwang ang kanilang ika-100 taon o pagiging Centenarian nitong ika-8 ng Mayo. At bilang pagtalima sa itinatakda ng Republic Act 10868 o Centenarian Act of 2016, sinumang Pilipino na sumapit sa edad na isang daan ay makatatanggap ng P100,000 bilang gantimpala.

Ang tatlong Centanarian ng Antipolo ay sina Fatima Sancula, ng Barangay San Luis; Florentina de la Cruz, ng Bgy. Mayamot; at Marcelina Pangilinan, ng Broadway Pines, Executive Village, Antipolo City. Tinanggap ng tatlong Antipolenyong centenarian ang cash incentive na P100,000 mula sa pamahalaang lungsod, sa pangunguna ni Mayor Jun Ynares. Ginanap ang pagkakaloob ng gantimpala sa isang simpleng programa sa Antipolo City Hall.

Ayon kay Antipolo Mayor Jun Ynares, “Bilang isang doktor, alam... ko na bihira lamang ang nakararating sa edad na isang daan taon. Kahanga-hanga at napakapalad ninyo sapagkat nabiyayaan kayo ng mahabang buhay.

“Iba’t ibang pangyayari ang inyong nasaksihan sa paglipas ng panahon. Isa na rito ang pagiging lungsod ng Antipolo mula sa isang maliit na pamayanan patungo sa isang malaki at matatag na lungsod. Ang inyong tibay sa pagharap sa buhay ay isang inspirasyon sa marami. Kaya, isang karangalan na kayo ay kilalanin ng pamahalaan.”

Congrats po sa tatlong Antipolenyong Centenarian! (Clemen Bautista)