MOSCOW – Red-carpet treatment ang isasalubong kay Pangulong Rodrigo Duterte ng matataas na opisyal ng Russian Federation dakong 10:30 pm ngayong araw (3:30 am, Mayo 23, oras sa Pilipinas) sa Vnukovo-2 Airport para sa pagsisimula ng kanyang apat na araw na official visit dito. Kasama sa delegasyon ng Pangulo ang mga lider ng negosyanteng Pinoy at ilang congressman.
Nakatakdang makikipagpulong si Duterte kina Russian President Vladimir Putin at Prime Minister Dmitry Medvedev, na kapwa siya inimbitahang bumisita sa Moscow noong nakaraang taon.
Sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kabilang sa mga pag-uusapan ang paglalagda sa mga bilateral agreement sa defense cooperation, military at technical cooperation, mutual legal assistance on criminal matters, mapayapang paggamit ng nuclear energy, kultura, kalakalan at pamumuhunan.
Magaganap ang pagpupulong kina Putin at Medvedev sa Mayo 25 at 26.
Habang nasa Moscow, magtatalumpati si Duterte sa MGIMO University o Moscow State Institute of International Relations na maggagawad sa kanya ng honorary doctorate bukas (Miyerkules).
Ang honorary doctorate degree ng MGIMO University ang unang honorary degrees na tatanggapin ni Pangulong Duterte bilang chief executive matapos tanggihan ang alok ng University of the Philippines (UP).
Bago ang MGIMO event, dadalo si Duterte sa mga aktibidad sa House of the Government of the Russian Federation at pamumunuan ang wreath-laying ceremony sa Tombo of the Unknown Soldier at Aleksandrovsky ‘Sad.
Magtatapos ang abalang Miyerkules ni Duterte sa pulong kasama ang Philippine–Russian Federation CEO Roundtable sa Four Seasons Hotel.
Magkakaroon din ng pagkakataon ang Filipino community sa Russia na makadiyalogo ang bumibistang Pangulo sa Huwebes.
Kasama rin sa working visit ni Duterte ang pakikipagpulong sa PH-Russia Business Forum, at one-on-one interview sa Russian television sa Huwebes.
Hindi pa inilalabas ang schedule para sa nakaplanong pagbisita ng Pangulo sa St. Petersburg.
Nauna rito, nagpahayag ang mga opisyal ng pag-asa na lalong pagtitibayin ng pagbisita ni Duterte ang diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Russia.
“It will be the first visit of the President to Russia and we believe it will mark a new chapter in Philippines-Russia relations,” sabi ni DFA Asst. Secretary Maria Cleofe Natividad.
Hindi lamang si Duterte ang Pangulo ng Pilipinas na bumisita sa Russia. Magugunita na sina dating Pangulong Fidel V. Ramos at Gloria Macapagal-Arroyo ay dumalo sa mga pandaigdigang pagpupulong na ginanap sa Russia.
(BEN R. ROSARIO at BETH CAMIA)