TOKYO — Ipinahayag ni World Boxing Association (WBA) president Gilberto Mendoza ang ‘rematch’ para sa middleweight title fight sa pagitan nina Japanese boxer Ryota Murata at France’s interim champion Hassan N’Dam.
Naging kontrobersyal ang laban nang manalo si N’Dam via decision matapos umiskor ng 116-112 at 115-113 sa dalawang hurado, habang nakuha ni Murata ang iskor na 117-110 katulad sa iskor ni Mendoza.
“First of all let me apologize to Ryota Murata, Teiken Promotions and all Japanese boxing fans,” pahayag ni Mendoza sa kanyang Twitter account. “I will demand the championship committee to order a direct rematch.”
Nagawang mapabagsak ni Murata, London Olympic gold medalist at nagtatangkang maging ikalawang Japanese middleweight champion sa loob ng 22 taon, si Dam ng dalawang ulit sa kanilang duwelo.
Sa nailabas na desisyon, umani ito ng batikos at pagkadismaya sa mga manonood sa Ariake Coliseum.
“I am disappointed with the controversy,” pahayag ni Mendoza. “My goal is to have clear decisions and prove transparency to all boxing fans.”