Matapos ng ilang linggong paghihintay, hindi naman binigo nina American import Laura Schaudt at Thai import Kuttika Kaewpin ang Creamline nang ibalik nila sa winning track ang koponan sa pamamagitan ng 21-25, 25-18, 25-20, 25-13 paggapi sa defending champion Pocari Sweat sa pagpapatuloy ng Premier Volleyball League Reinforced Conference sa Fil-Oil Flying V Centre.

Creamline's Pau Soriano attacks Pocari Sweat's Michelle Strizak (left) and Jeanette Panaga  (MB Photos | Rio Leonelle Deluvio)Matapos maunahan sa first set na naipanalo ni dating NCAA Best Server Ma. Shola Alvarez para sa Lady Warriors, winalis ng Cool Smashers ang sumunod na tatlong sets upang makamit ang kanilang ikatlong panalo sa loob ng pitong laro.

Nagpakita ng kakaibang porma sa second frame ang Cool Smashers at agad ibinaon ang Lady Warriors, 12-6, bago unti-unting nakahabol ang huli at dumikit sa iskor na 10-12, sa pamumuno ni Jeanette Panaga.

Ngunit isinara ng Creamline sa pamamagitan ng 8-0 run upang itabla ang laban sa 1-1.

ALAMIN: Ano nga ba ang EBET Law na pinirmahan ni PBBM

Sinikap makabalik ng Pocari sa third set, ngunit nawala ang kanilang momentum at nakuha ng Creamline ang 2-1 na kalamangan.

Hindi na nila pinaporma pa ang kalaban sa fourth frame matapos agad na tambakan 20-10.

"Tingin ko we know that Pocari Sweat is a really strong team with that kind of imports, sobrang malalaki," pahayag ni Creamline assistant coach Oliver Almadro na pansamantalang humalili kay coch Tai Bundit na umuwi sa Thailand .

“So siguro minaximize lang naming yung defensive hustle namin and then of course we live and die with our serve eh, yun lang talaga ang pinagtuunan pa ng pansin and of course and heart ng players in today’s game,” dagdag nito.

Pinangunahan ni Kaewpin, naging kakampi ni Alyssa Valdez sa koponan ng 3BB Nakornonnt sa Thailand Volleyball League, ang Creamline sa itinala nitong 20 puntos habang nagdagdag naman si Schaudt ng 14 puntos, kasunod ni Valdez na tumapos na may 18 puntos.