Magaganap ang makasaysayang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Russia sa susunod na linggo upang pandayin ang mas matibay na pagtutulungan sa mga larangan ng depensa at seguridad, kalakalan at pamumuhunan, mapayapang paggamit ng nuclear energy, at marami pang iba.

Inaasahang makikipagpulong ang Pangulo kina Russian President Vladimir Putin, Russian Prime Minister Dmitry Medvedev at sa Filipino community sa Moscow sa kanyang opisyal na pagbisita sa Mayo 22 hanggang 26.

Kasama rin sa itinerary ni Duterte ang side trip sa St. Petersburg kung saan bibisita siya sa pagawaan ng mga barko ng militar at dadalo sa isang business forum.

“It will be the first visit of the President to Russia and we believe it will mark a new chapter in Philippine-Russia relations,” pahayag ni Assistant Secretary Maria Cleofe Natividad ng Department of Foreign Affairs sa press briefing sa Palasyo.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“We consider this visit as a landmark that will send a strong message of the Philippines’ commitment to seek new partnerships and strengthen relations with non-traditional partners such as Russia,” aniya.

Sa kabila ng pagkakatatag ng relasyong Pilipinas-Russia halos 41 taon na ang nakalipas, sinabi ni Natividad na nananatili sa “nascent stage” ang bilateral engagement sa halos lahat ng larangan ng pagtutulungan.

“It is for this reason that the theme of the visit is ‘Building a Stronger Partnership, a New Chapter in Philippine-Russia Relations,’” aniya.

Inaasahang lalagdaan sa pagbisita ni Duterte ang mga kasunduan sa pagtutulungan sa depensa, seguridad, legal assistance, kalakalan at pamumuhunan, mapayapang paggamit ng nuclear energy at kultura.

Isang military technical cooperation deal ang magbibigay-daan para magalugad ng bansa ang posibilidad na bumili ng mga kagamitang pangmilitar sa Russia, ani Natividad.

Ayon kay Natividad, sakop ng defense cooperation pact ng bansa sa Russia ang mas malawak na oportunidad sa konsultasyon at kooperasyon na may kaugnayan sa seguridad gaya ng paglaban sa terorismo, transnational crimes tulad ng drug trafficking. Inaasahang magbubukas ang dalawang nasyon ng kani-kanilang defense office sa Moscow at Manila.

Ibabahagi ng Pangulo ang mga pananaw niya tungo sa pagtatamo ng kapayapaan at seguridad sa Asia Pacific region sa kanyang pagtatalumpati sa Moscow State Institute of International Relations, ayon kay Natividad.

Nilalayon din ni Duterte na mapabuti ang bilateral trade at makaakit ng mas maraming Russian trade at investments sa Pilipinas. Sasama sa Pangulo ang delegasyon ng mga negosyante na makikilahok sa Philippine-Russia business forum sa Moscow. (Genalyn D. Kabiling)