TUWING nagpapalit ng rehimen o administrasyon sa iniibig nating Pilipinas, bahagi na ang paglulunsad ng mga programa at proyektong magsusulong sa kaunlaran, kabutihan at kapakanan ng ating mga kababayan. Ang pangulo ng Pilipinas ang namimili at nagtatalaga ng mga taong bubuo ng kanyang gabinete at maging sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na malaki ang pag-asa na makatulong sa tagumpay at katuparan ng layunin ng mga ilulunsad na programa at proyekto.
Mababanggit na halimbawa ang administrasyong Duterte na pumalit sa rehimeng ipinangalandakan noon ang “Tuwid Na Daan” sa mga programa, ngunit nabigo sapagkat ayon sa iba nating kababayan, lubak-lubak at ang dulo ay bangin ng katiwalian. Sa simula naman ng rehimeng Duterte, naglunsad ng giyera kontra droga. Sa nakalipas na walong buwan, umaabot na sa 7,000 drug suspect ang tumimbuwang at naitumba sa mga police operation. Kapansin-pansin na marami sa mga napatay na drug suspect ay nakasuot ng tsinelas at marumi ang sakong. Ang giyera kontra droga ay nakatawag-pansin sa mga leader ng ibang bansa at human rights advocate. Itinuring itong extrajudicial killings. May humiling na itigil at bigyan ng pagkakataon na ma-rehabilitate at magbagong-buhay ang mga drug suspect. Mura naman ang naging sagot at reaksiyon ng Pangulo sa mga kritiko ng kanyang giyera kontra droga.
Sa programa naman sa kabuhayan, lalo na sa kapakanan ng maliliit na mangingisda, giniba ang mga legal at illegal fish pen sa Laguna de Bay. Nag-ugat ito nang banggitin ni Pangulong Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA), Hulyo 25, 2016, na isa sa mahahalaga sa kanya ay ang Lawa ng Laguna. Napansin kasi ni Pangulong Digong na wala nang lugar na mapangisdaan ang maliliit na mangingisda sa lawa na halos nabakuran na ng mga fish pen. Nakita ng Pangulo ang nasabing kalagayan nang sumakay siya sa eroplano at pauwi sa Davao City.
Ayon pa kay Pangulong Duterte, ang Laguna de Bay ay magiging, “vibrant economic zone showcasing eco-tourism by addressing the negative impact of watershed destruction, land conversion and pollution...And the poor fishermen will have priority in its entitlements.”
Makalipas ang walong buwan, sinimulan nang ipatupad ng administrasyon ang mga plano ni Pangulong Duterte para sa Laguna de Bay. Ang pinakamalaking lawa sa Pilipinas na ang malaking bahagi ay sinakop ng mga pribadong indibiduwal at kumpanya. Pinaghati-hatian at nilagyan ng mga fish pen at fish cage.
Sa panahon ni dating Environment Secretary Gina Lopez, ang unang hakbang na kanyang ginawa ay ang pagdedeklara ng moratorium sa pagbibigay ng fish pen operation permit. Sinundan ito ng paggiba ng mga illegal fish pen at iba pang ilegal na istruktura sa lawa, ayon sa utos ni Pangulong Digong. At bago natanggal sa tungkulin si Lopez, itinuloy ng DENR at ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) ang paggiba sa mga fish pen. Ang demolisyon ay pinaniniwalaang makatutulong na maibalik ang dating ganda ng lawa na magbibigay biyaya sa lahat, partikular na sa maliliit na mangingisda.
Sa ngayon, ang kasalukuyang administrasyon, sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA), ay may ilulunsad na proyekto na muling magpapasigla sa mga lawa, kasama ang Laguna de Bay, upang mapakinabangan ng lahat. Ito ay tinawag na “Balik-Sigla sa Ilog at Lawa” o Project BASIL na layuning maisaayos ang mga ilog at sapa at iba pang waterways.
(Clemen Bautista)