MAGBABALIK ang late night host na si Jimmy Kimmel para sa 2018 Academy Awards, pahayag ng organizers ng event nitong Martes, matapos mapamahalaan ng maayos ang biggest blunder sa kasaysayan ng Oscars ngayong taon.
Sa unang pagiging host ng Oscars ni Jimmy ngayong taon ay nangyari naman ang nakakahiyang kalituhan sa entablado na nauwi sa pagbibigay ng maling envelope sa presenters na sina Warren Beatty at Faye Dunaway, at inihayag ang La La Land bilang winner ng best picture, ang top award ng gabi.
Ngunit pagkaraan lamang ang ilang minuto, inihayag na ang tunay na nagwagi ay ang Moonlight.
Sinabi ni Jimmy, host ng Jimmy Kimmel Live! sa ABC, ang network na nagsasahimpapawid ng Oscars ceremony taun-taon, nitong Martes na ang hosting niya ng Oscars "was a highlight of my career."
"If you think we screwed up the ending this year, wait until you see what we have planned for the 90th anniversary show!" pabirong sabi niya.
Magbabalik din sina Michael de Luca at Jennifer Todd para sa pre-production ng live show. Gaganapin ang Oscars sa Marso 4 sa Dolby Theatre ng Hollywood.
Ang Oscars, inorganisa ng Academy of Motion Picture Arts and Sciences, ang pinakaprestihiyosong film awards ceremony ng Hollywood.
Sa gitna ng kalituhan sa entablado sa paghahayag ng best picture na napanood nang live ng milyun-milyong viewers ngayong taon, mabilis na tumakbo si Kimmel sa stage at nagpatawa, sinabi kay Beatty na, "Warren, what did you do?"
Humabol pa ng, "The good news is that we got to see some extra speeches. I knew I would screw this show up." (Reuters)