Hindi hihigit sa 300 pribadong higher education institution (HEI) ang maaaprubahang magtaas ng matrikula at iba pang bayarin sa darating na pasukan, sinabi kahapon ng Commission on Higher Education (CHED).

Sa isang press conference, kinumpirma ni CHED Chairperson Patricia Licuanan na may mga HEI na nag-apply ng tuition fee hike at ilan sa mga ito ang papayagang magtaas ng matrikula.

“Every year, we do ask our regional offices to find out which HEIs will apply for tuition increase,” ani Licuanan.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ngayong taon, sinabi niya na nakatakdang kunin ng CHED main office ang lahat ng datos mula sa mga regional office.

Ipinagdiinan ni Licuanan na bagamat ang pagtataas ng matrikula “happens every year”, inatasan ang mga tanggapan ng CHED na mahigpit na ipatupad ang mga patakaran sa tuition fee hike.

Sinabi ni Licuanan na hindi madali para sa kanila ang pag-aapruba sa tuition increase. “We don’t want education to be priced beyond the reach of most Filipinos but these institutions need to support themselves since they don’t get assistance from the government,” aniya.

Sinabi naman ni Office of Student Development and Services OIC-Director Engr. Ranie Liveta na base sa mga rehiyon na nag-apply ng tuition increase, mas kakaunti ito kumpara noong nakaraang taon.

“We would not expect more than 300 institutions to be approved this year,” ayon kay Liveta. Noong nakaraang taon, inaprubahan ng CHED ang aplikasyon ng 304 sa 1,659 na pribadong HEI para magtaas ng matrikula at iba pang bayarin sa eskuwelahan. (Ina Hernando-Malipot)